Ang Panahon ng Gadianton

Mga Suliranin ng Kapalaluan

Helaman 3:33–34

Ang pagsulong ng kaunlaran ay nagdala sa kapalaluan at pag-uusig sa mga miyembro ng simbahan.

At sa ikalimampu at isang taon ng panunungkulan ng mga hukom ay nagkaroon din ng kapayapaan, maliban sa kapalaluan na nagsimulang pumasok sa simbahan—hindi sa simbahan ng Diyos, kundi sa mga puso ng mga taong nagpahayag na kabilang sila sa simbahan ng Diyos— At iniangat sila sa kapalaluan, maging hanggang sa pag-uusig sa marami sa kanilang mga kapatid.

Helaman 3:34–35

Ang mga higit na mapagpakumbabang miyembro ay nagdusa ng higit, subalit inaaliw at pinadadalisay ng kapangyarihan ni Cristo.

Ngayon, ito ay malaking kasamaan, na naging dahilan upang ang higit na mapagpakumbabang bahagi ng mga tao ay magdanas ng malulupit na pag-uusig, at dumanas ng labis na pagdurusa.

Gayon pa man, sila ay madalas na nag-ayuno at nanalangin, at tumibay nang tumibay sa kanilang pagpapakumbaba, at tumatag nang tumatag sa kanilang pananampalataya kay Cristo, hanggang sa mapuspos ang kanilang mga kaluluwa ng kagalakan at kasiyahan, oo, maging hanggang sa pagpapadalisay at sa pagpapakabanal ng kanilang mga puso, kung aling pagpapakabanal ay napasakanila dahil sa paghahandog ng kanilang mga puso sa Diyos.

Helaman 3:36

Bagaman ang mga Nephita ay nasa kalagayan ng kapayapaan parin, ang kapalaluan ay nagiging isang lumalaking alalahanin.

At ito ay nangyari na, na ang ikalimampu at dalawang taon ay nagtapos din sa kapayapaan, maliban sa labis na kapalaluang umusbong sa mga puso ng mga tao; at dahil ito sa napakalaki nilang kayamanan at kanilang pananagana sa lupain; at ito ay sumisibol sa kanila sa araw-araw.

Helaman 3:37

Si Helaman ay namatay, at ang kanyang anak na si Nephi ay namuno sa katwiran bilang kanyang kahalili.

At ito ay nangyari na, na sa ikalimampu at tatlong taon ng panunungkulan ng mga hukom, si Helaman ay namatay, at ang kanyang pinakamatandang anak na si Nephi ay nagsimulang manungkulang kahalili niya. At ito ay nangyari na, na siya ay nanungkulan sa hukumang-luklukan sa katarungan at pagkakapantay-pantay; oo, sinunod niya ang mga kautusan ng Diyos, at lumakad alinsunod sa mga landas ng kanyang ama.