Ang Panahon ng Gadianton

Si Jacob at Ang Bagong Lihim na Sabwatan

3 Nephi 7:9–11

Ang mga samahan sa likod ng mga tiwaling hukom ay nagtalaga ng isang pinuno, si Jacob, na kanilang maging hari, na may isinumpang pangako na kanilang wawasakin ang lahat ng kaayusang pampamahalaan.

Ngayon, ang mga lihim na nakipagsabwatang ito, na nagdala ng labis na kasamaan sa mga tao, ay magkakasamang tinipon ang kanilang sarili, at naghirang ng isang pinuno sa kanila na isang lalaking tinawag nilang Jacob; At siya ay tinawag nilang kanilang hari; anupa’t siya ay naging hari sa masamang pangkat na ito; at isa siya sa mga pinakakilalang nagpahayag ng kanyang tinig laban sa mga propeta na nagpatotoo kay Jesus.

At ito ay nangyari na, na hindi sila nakararami sa bilang tulad ng mga lipi ng mga tao na nagkakaisa maliban sa ang kanilang mga pinuno ang nagpapatupad ng kanilang mga batas, ang bawat isa alinsunod sa kanyang lipi; gayon pa man, sila ay magkakaaway; sa kabila ng hindi sila mabubuting tao, gayon man nagkakaisa sila sa pagkapoot sa mga yaong nakipagtipang wasakin ang pamahalaan.

3 Nephi 7:12–13

Nakikita na ang kanyang pangkat at hindi kasing-lakas na gaya ng ibang mga liping Nephita, dinala ni Jacob ang kanyang mga tao sa lupaing pahilaga, sa pagtatangkang makatipon ng mga tao at magpalakas ng puwersa.

Samakatwid, si Jacob na nakikitang higit na nakararami ang kanilang mga kaaway kaysa sa kanila, siya bilang hari ng pangkat, kaya nga inutusan niya ang kanyang mga tao na tumakas sila patungo sa pinakahilagang bahagi ng lupain, at doon magtayo sa kanilang sarili ng isang kaharian, hanggang sa umanib sa kanila ang mga tumiwalag, (sapagkat kanyang nilinlang sila na magkakaroon ng maraming magsisitiwalag) at magiging sapat ang kanilang lakas upang makipaglaban sa mga lipi ng mga tao; at ginawa nga nila ito.

At napakabilis ng kanilang paghayo kung kaya’t hindi ito nahadlangan kung kaya nga’t hindi na sila naabutan pa ng mga tao. At sa gayon nagtapos ang ikatatlumpung taon; at gayon ang mga pangyayari sa mga tao ni Nephi.

3 Nephi 7:14

Habang ang mga liping Nephita ay nananatiling mapagsarili, sila ay sumang-ayon sa mga kasunduang pangkapayapaan, upang maiwasan ang digmaan.

At ito ay nangyari na, na sa ikatatlumpu at isang taon na sila ay nahati sa mga lipi, ang bawat lalaki alinsunod sa kanyang mag-anak, kaanak at mga kaibigan; gayon pa man, sila ay nagkasundo na hindi sila makikidigma sa isa’t isa; subalit hindi sila nagkakaisa sa kanilang mga batas, at sa kanilang uri ng pamahalaan, sapagkat ang mga ito ay pinagtibay alinsunod sa pag-iisip ng yaong kanilang mga puno at kanilang mga pinuno. Subalit sila ay nagpatupad ng napakahihigpit na batas na ang isang lipi ay hindi magkakasala laban sa iba, kaya nga’t nagkaroon sila ng kaunting kapayapaan sa lupain; gayon pa man, ang kanilang mga puso ay tumalikod mula sa Panginoon nilang Diyos, at pinagbabato nila ang mga propeta at itinaboy sila mula sa kanila.