At ito ay nangyari na, na sa ikalabimpitong taon, sa huling bahagi ng taon, ang pahayag ni Laconeo ay napalaganap na sa lahat ng dako ng lupain, at dinala nila ang kanilang mga kabayo, at kanilang mga karuwahe, at kanilang mga baka, at lahat ng kanilang kawan ng tupa, at kanilang mga baka, at kanilang mga butil, at lahat ng kanilang ari-arian, at nagsihayo nang libu-libo at nang sampu-sampung libo, hanggang sa silang lahat ay makarating sa itinakdang lugar na sama-samang pagtitipunan nila, upang ipagtanggol nila ang kanilang sarili laban sa kanilang mga kaaway.
At ang lupaing itinakda ay lupain ng Zarahemla, at ang lupain na nasa pagitan ng lupaing Zarahemla at ng lupaing Masagana, oo, patungo sa hangganan na nasa pagitan ng lupaing Masagana at ng lupaing Kapanglawan.
At may napakaraming libong katao na tinatawag na mga Nephita, ang sama-samang tinipon ang kanilang sarili sa lupaing ito. Ngayon iniutos ni Laconeo na nararapat nilang sama-samang tipunin ang kanilang sarili sa lupaing katimugan, dahil sa masidhing sumpa na nasa lupaing kahilagaan.
At pinatibay nila ang kanilang sarili laban sa kanilang mga kaaway; at sila ay nanirahan sa iisang lupain, at sa iisang pangkat, at sila ay natakot sa mga salitang sinabi ni Laconeo, kung kaya nga’t sila ay nagsisi sa lahat ng kanilang mga kasalanan; at inialay nila ang kanilang mga panalangin sa Panginoon nilang Diyos, na kanyang iligtas sila sa panahong sasalakayin sila ng kanilang mga kaaway upang makidigma.
At sila ay labis na nalungkot dahil sa kanilang mga kaaway. At iniutos ni Gidgiddoni na sila ay gumawa ng mga sandata ng digmaan ng bawat uri, at dapat silang gumawa ng matitibay na baluti, at ng mga pananggalang, at ng mga kalasag, alinsunod sa kanyang tagubilin.