At ito ay nangyari na, na ang mga tao ng mga Nephita ay nagsibalik na lahat sa kanilang sariling mga lupain sa ikadalawampu at anim na taon, bawat lalaki, kasama ang kanyang mag-anak, kanyang mga tupahan at kanyang mga bakahan, kanyang mga kabayo at kanyang mga baka, at lahat ng bagay na pag-aari nila.
At ito ay nangyari na, na hindi nila naubos ang lahat ng kanilang pagkain; kaya nga dinala nila ang lahat ng hindi nila nakain, ang lahat ng kanilang butil ng bawat uri, at kanilang ginto, at kanilang pilak, at lahat ng kanilang mahalagang bagay, at sila ay bumalik sa kanilang sariling mga lupain at kanilang mga pag-aari, kapwa sa hilaga at sa timog, kapwa sa lupaing kahilagaan at sa lupaing katimugan.
At pinagkalooban nila ang mga tulisang yaon na mga nakipagtipan na pananatilihin ang kapayapaan ng lupain, na nagnanais na manatiling mga Lamanita, ng mga lupain, alinsunod sa kanilang bilang, upang sila ay magkaroon, sa pamamagitan ng kanilang mga pagpapagal, nang kanilang ikabubuhay; at sa gayon nila naitatag ang kapayapaan sa buong lupain.
At muli silang nagsimulang umunlad at maging makapangyarihan; at ang ikadalawampu at anim at pitong taon ay lumipas, at nagkaroon ng malawakang kaayusan sa lupain; at binuo nila ang kanilang mga batas alinsunod sa pagkakapantay-pantay at katarungan. At ngayon walang anumang bagay sa buong lupain ang makapipigil sa mga tao mula sa patuloy na pag-unlad, maliban kung mahuhulog sila sa paglabag. At ngayon, si Gidgiddoni, at ang hukom na si Laconeo, at yaong mga naatasang maging pinuno, ang mga nagtatag ng malawakang kapayapaang ito sa lupain.
At ito ay nangyari na, na maraming lunsod ang itinayong muli, at maraming lumang lunsod ang inayos. At maraming lansangang-bayan ang itinayo, at maraming daan ang ginawa, na nag-uugnay nang lunsod sa lunsod, at lupain sa lupain, at lugar sa lugar. At sa gayon lumipas ang ikadalawampu at walong taon, at ang mga tao ay nagkaroon ng patuloy na kapayapaan.