Ang Panahon ng Gadianton

Ang Panghihinang Moral ng mga Nephita

Helaman 6:26–27

Ang mga ideya sa likod ng lihim ng lipunang Gadianton ay hindi makukuha mula sa mga kasalukuyang talaan, subalit inihahayag ito ng diyablo.

Ngayon masdan, ang mga yaong lihim na sumpa at tipan ay hindi nalaman ni Gadianton mula sa mga talaang ibinigay kay Helaman; subalit masdan, inilagay ang mga ito sa puso ni Gadianton ng yaon ding nilikha na siyang tumukso sa ating mga unang magulang na kumain ng ipinagbabawal na bungang-kahoy— Oo, ng yaon ding nilikha na nakipagsabwatan kay Cain, na kung papaslangin niya ang kanyang kapatid na si Abel ay hindi ito malalaman ng sanlibutan. At siya ay nakipagsabwatan kay Cain at sa kanyang mga tagasunod mula noon.

Helaman 6:28

Ang diyablo ang siyang isang nakapanghihikayat na impluwensiya sa maraming naunang mga masasamang gawain.

At ito ang yaon ding nilikha na siyang naglagay sa puso ng mga tao na magtayo ng isang tore na may sapat na taas upang sila ay makarating sa langit. At ito ang yaon ding nilikha na siyang luminlang sa mga tao na nagmula sa toreng yaon sa lupaing ito; na nagpalaganap ng mga gawa ng kadiliman at mga karumal-dumal na gawain sa lahat ng dako ng lupain, hanggang sa mahila niyang pababa ang mga tao sa lubos na pagkalipol, at sa walang hanggang impiyerno.

Helaman 6:29

Ang Gadianton ay binigyang inspirasyon ng diyablo mismo upang pasimulan ang kanyang organisasyon.

Oo, ito ang yaon ding nilikha na siyang naglagay sa puso ni Gadianton na ipagpatuloy ang gawa ng kadiliman at ng lihim na pagpaslang; at pinasimulan niya ito mula pa sa simula ng tao maging hanggang sa panahong ito.

Helaman 6:30

Iniimpluwensiyahan ni Satanas ang isang salinlahi matapos ang sumunod upang gumawa ng masama.

At masdan, siya ang nagpasimula ng lahat ng kasalanan. At masdan, ipinagpapatuloy niya ang kanyang mga gawa ng kadiliman at lihim na pagpaslang, at nagpasalin-salin ang kanilang mga pakana, at kanilang mga sumpa, at kanilang mga tipan, at kanilang mga balak ng kakila-kilabot na kasamaan, sa bawat sali’t salinlahi alinsunod sa kanyang kakayahang mahawakan ang mga puso ng mga anak ng tao.

Helaman 6:31

Dahil dito, ang mga Nephita ay nanghina sa moralidad, at ibinaling ang kanilang pansin sa mga kayamanan.

At ngayon masdan, siya ay may malakas na pagkakahawak sa mga puso ng mga Nephita; oo, hanggang sa sila ay naging lubhang masama; oo, ang malaking bahagi nila ay lumiko sa landas ng kabutihan, at niyurakan sa ilalim ng kanilang mga paa ang mga kautusan ng Diyos, at nagsihayo sa kani-kanilang landas, at lumikha para sa kanilang sarili ng mga diyus-diyusan mula sa kanilang mga ginto at kanilang mga pilak.

Helaman 6:32–33

Ang mga Nephita ay nagpatuloy sa kanilang pag-ikot pababa.

At ito ay nangyari na, na ang lahat ng kasamaang ito ay sumapit sa kanila sa loob ng hindi maraming taon, hanggang sa ang nakararaming bahagi nito ay sumapit sa kanila sa ikaanimnapu at pitong taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi.

At sila ay lumubha sa kanilang kasamaan sa ikaanimnapu at walong taon din, sa labis na kalungkutan at pananaghoy ng mabubuti.

Helaman 6:34–36

Ang Espiritu ng Diyos ay lumisan mula sa mga Nephita, at ibinuhos ng may kasaganaan sa mga Lamanita.

At sa gayon nakikita natin na nagsimulang manghina sa kawalang-paniniwala ang mga Nephita, at lumubha sa kasamaan at mga karumal-dumal na gawain, samantalang ang mga Lamanita ay nagsimulang umunlad nang labis sa kaalaman ng kanilang Diyos; oo, nagsimula nilang sundin ang kanyang mga batas at kautusan, at lumakad sa katotohanan at katwiran sa kanyang harapan. At sa gayon nakikita natin na ang Espiritu ng Panginoon ay nagsimulang lumayo mula sa mga Nephita, dahil sa kasamaan at katigasan ng kanilang mga puso. At sa gayon nakikita natin na nagsimulang ibuhos ng Panginoon ang kanyang Espiritu sa mga Lamanita, dahil sa kanilang kakayahan at pagnanais na maniwala sa kanyang mga salita.

Helaman 6:37–41

Ang mga Lamanita ay nagsimula ng mga pang-abot programa upang tulungan ang mga Nephita na magsisi, subalit sila ay hindi lubhang epektibo—ang mga Nephita ay nagpapatuloy na lumago sa kanilang kasamaan.

At ito ay nangyari na, na tinugis ng mga Lamanita ang mga tulisan ni Gadianton; at ipinangaral nila ang salita ng Diyos sa higit na masasamang bahagi nila, hanggang sa ang mga pangkat ng tulisan ay lubos na nalipol sa mga Lamanita.

At ito ay nangyari na, sa kabilang dako, sila ay tinangkilik ng mga Nephita at itinaguyod sila, simula sa higit na masasamang bahagi nila, hanggang sa sila ay kumalat sa buong lupain ng mga Nephita, at naakit ang nakararaming bahagi ng mabubuti hanggang sa mapaniwala sila sa kanilang mga gawa at nakibahagi sa kanilang samsam, at umanib sa kanila sa mga lihim nilang pagpaslang at pagsasabwatan.

At sa gayon nila natamo ang natatanging pamamahala sa pamahalaan, kung kaya nga’t niyurakan nila sa ilalim ng kanilang mga paa at saktan at pagmalabisan at talikuran ang mga maralita at ang mga maaamo, at ang mga mapagpakumbabang tagasunod ng Diyos. At sa gayon nakikita natin na sila ay nasa kakila-kilabot na kalagayan, at nahihinog na para sa walang hanggang pagkawasak. At ito ay nangyari na, na sa gayon nagtapos ang ikaanimnapu at walong taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi.