At ngayon ito ay nangyari na, na sa ikaapatnapu at tatlong taon ng panunungkulan ng mga hukom, na hindi nagkaroon ng alitan sa mga tao ni Nephi, maliban sa kaunting kapalaluan na nasa simbahan, na naging dahilan ng ilang pagtiwalag sa mga tao, kung aling mga pangyayari ay naisaayos sa pagtatapos ng ikaapatnapu at tatlong taon. At hindi nagkaroon ng alitan sa mga tao sa ikaapatnapu at apat na taon; ni hindi nagkaroon ng labis na alitan sa ikaapatnapu at limang taon.
At ito ay nangyari na, na sa ikaapatnapu at anim na taon, oo, nagkaroon ng labis na alitan at maraming pagtiwalag; kung kaya’t lubhang napakarami ang nagsipaglisan sa lupain ng Zarahemla, at nagtungo sa lupaing pahilaga upang manahin ang lupain.
At sila ay naglakbay nang pagkalayu-layo hanggang sa sila ay makarating sa malalaking katawan ng tubig at maraming ilog. Oo, at maging sa sila ay kumalat sa lahat ng dako ng lupain, patungo sa anumang dako na hindi napabayaan at walang kahoy, dahil sa dami ng nanirahan noon sa lupain.
At ngayon walang dako ng lupain ang napabayaan, maliban sa kahoy; subalit dahil sa kalakihan ng pagkalipol ng mga tao na noon ay nanirahan sa lupain kung kaya’t tinawag itong napabayaan. At sapagkat kakaunti lamang ang kahoy sa ibabaw ng lupain, gayon pa man, ang mga taong dumating ay naging labis na dalubhasa sa paggawa ng semento; anupa’t sila ay nagtayo ng mga tirahang semento, kung saan sila ay nanirahan.
At ito ay nangyari na, na sila ay dumami at kumalat, at humayo mula sa lupaing patimog patungo sa lupaing pahilaga, at kumalat hanggang sa nagsimula silang kumalat sa ibabaw ng buong lupain, mula sa timog dagat hanggang sa hilagang dagat, mula sa kanlurang dagat hanggang sa silangang dagat.
At ang mga tao na nasa lupaing pahilaga ay nanirahan sa mga tolda, at sa mga tirahang semento, at pinahintulutan nilang tumubo ang anumang punungkahoy sa ibabaw ng lupain upang lumaki ito, nang sa pagdating ng panahon sila ay magkaroon ng mga kahoy na ipagpapatayo ng kanilang mga tirahan, oo, kanilang mga lunsod, at kanilang mga templo, at kanilang mga sinagoga, at kanilang mga santuwaryo, at lahat ng uri ng kanilang mga gusali.
At ito ay nangyari na, sapagkat ang kahoy ay labis na kakaunti sa lupaing pahilaga, sila ay nag-angkat ng marami sa pamamagitan ng paglululan sa mga sasakyang-dagat. At sa gayon nagawa nila na ang mga tao sa lupaing pahilaga ay makapagtayo ng maraming lunsod, kapwa ng kahoy at ng semento. At ito ay nangyari na, na marami sa mga tao ni Ammon, na isinilang na mga Lamanita, ay nagtungo rin sa lupaing ito.