Ang Panahon ng Gadianton

Ang Panghihina ng mga Nephita

Helaman 4:18–19

Napagtanto ni Moronihas na anumang karagdagang pagtatangkang mabawi ang ibang teritoryo ay walang-saysay, kaya siya ay nagtuon na mapanatili ang mga kasalukuyang pag-aari.

At ito ay nangyari na, na sa ikaanimnapu at dalawang taon ng panunungkulan ng mga hukom, na si Moronihas ay hindi na nakakuha pa ng mga ari-arian sa mga Lamanita. Anupa’t tinalikdan nila ang kanilang hangaring makuha ang nalalabi nilang mga lupain, sapagkat napakarami ng mga Lamanita na hindi maaari para sa mga Nephita na magkaroon pa ng higit na kapangyarihan sa kanila; kaya nga, ginamit ni Moronihas ang kanyang buong hukbo sa pagpapanatili ng mga yaong bahagi na nabawi niya.

Helaman 4:20–22

Natatakot sa malaking bilang ng mga Lamanita, ang mga Nephita ay nagsimulang maalala ang mga nakaraang propesiya, at napagtanto na ang kanilang kahinaan ay kaugnay sa kanilang pagtalikod sa Diyos.

At ito ay nangyari na, na dahil sa kalakihan ng bilang ng mga Lamanita ay malaki ang naging pagkatakot ng mga Nephita, na baka madaig sila, at yapak-yapakan, at pagpapapatayin, at malipol. Oo, nagsimulang maalaala nila ang mga propesiya ni Alma, at gayon din ang mga salita ni Mosias; at natanto nila na sila ay naging mga taong matitigas ang leeg, at ipinagwalang-bahala nila ang mga kautusan ng Diyos;

At na binago nila at niyurakan sa ilalim ng kanilang mga paa ang mga batas ni Mosias, o ang mga yaong iniutos sa kanya ng Panginoon na ibigay sa mga tao; at natanto nila na ang kanilang mga batas ay naging tiwali, at na sila ay naging masasamang tao, hanggang sa ang kasamaan nila ay naging tulad ng sa mga Lamanita.

Helaman 4:23–26

Ang simbahan ay nanghina, at ang Panginoon ay hindi na pumoprotekta sa mga Nephita tulad ng ginawa niya kamakailan—kaya nga, ang mga Nephita ay hindi mas mabuti kaysa sa mga Lamanita.

At dahil sa kanilang kasamaan ay nagsimulang manghina ang simbahan; at nagsimula silang hindi maniwala sa diwa ng propesiya at sa diwa ng paghahayag; at ang mga kahatulan ng Diyos ay tumitig sa kanilang mga mukha.

At natanto nilang sila ay naging mahihina, tulad ng kanilang mga kapatid, ang mga Lamanita, at hindi na sila pinangangalagaan pa ng Espiritu ng Panginoon; oo, lumisan ito sa kanila sapagkat ang Espiritu ng Panginoon ay hindi nananahanan sa mga hindi banal na templo—

Anupa’t ang Panginoon ay tumigil sa pangangalaga sa kanila sa pamamagitan ng kanyang mapaghimala at walang kapantay na kapangyarihan, sapagkat sila ay nahulog sa kalagayan ng kawalang-paniniwala at kakila-kilabot na kasamaan; at nakita nila na higit na napakarami ng mga Lamanita kaysa sa kanila, at maliban kung mangungunyapit sila sa Panginoon nilang Diyos ay hindi maiiwasang sila ay masawi.

Sapagkat masdan, nakita nila na ang lakas ng mga Lamanita ay kasinglakas ng kanilang lakas, maging lalaki sa lalaki. At sa gayon sila nahulog sa malaking pagkakasalang ito; oo, sa gayon sila naging mahihina, dahil sa kanilang pagkakasala, sa loob nang hindi maraming taon.