At dahil sa kanilang kasamaan ay nagsimulang manghina ang simbahan; at nagsimula silang hindi maniwala sa diwa ng propesiya at sa diwa ng paghahayag; at ang mga kahatulan ng Diyos ay tumitig sa kanilang mga mukha.
At natanto nilang sila ay naging mahihina, tulad ng kanilang mga kapatid, ang mga Lamanita, at hindi na sila pinangangalagaan pa ng Espiritu ng Panginoon; oo, lumisan ito sa kanila sapagkat ang Espiritu ng Panginoon ay hindi nananahanan sa mga hindi banal na templo—
Anupa’t ang Panginoon ay tumigil sa pangangalaga sa kanila sa pamamagitan ng kanyang mapaghimala at walang kapantay na kapangyarihan, sapagkat sila ay nahulog sa kalagayan ng kawalang-paniniwala at kakila-kilabot na kasamaan; at nakita nila na higit na napakarami ng mga Lamanita kaysa sa kanila, at maliban kung mangungunyapit sila sa Panginoon nilang Diyos ay hindi maiiwasang sila ay masawi.
Sapagkat masdan, nakita nila na ang lakas ng mga Lamanita ay kasinglakas ng kanilang lakas, maging lalaki sa lalaki. At sa gayon sila nahulog sa malaking pagkakasalang ito; oo, sa gayon sila naging mahihina, dahil sa kanilang pagkakasala, sa loob nang hindi maraming taon.