At sa gayon, sa pagsisimula ng ikatatlumpung taon—ang mga tao, matapos hayaang matangay sa loob ng mahabang panahon ng mga tukso ng diyablo kung saan niya nais na dalhin sila, at gawin ang anumang kasamaang nais niyang gawin nila—at sa gayon sa pagsisimula nito, ang ikatatlumpung taon, sila ay nasa kalagayan ng kakila-kilabot na kasamaan.
Ngayon sila ay hindi nagkasala sa kamangmangan, sapagkat nalalaman nila ang kalooban ng Diyos hinggil sa kanila, sapagkat ito ay naituro sa kanila; anupa’t sila ay hayagang naghimagsik laban sa Diyos. At ngayon, ito ay sa mga araw ni Laconeo, na anak na lalaki ni Laconeo, sapagkat si Laconeo ang humalili sa luklukan ng kanyang ama at pinamahalaan ang mga tao sa taong yaon.
At nagsimulang magkaroon ng mga taong kinakasihan mula sa langit at isinugo, tumatayo sa mga tao sa buong lupain, nangangaral at pinatototohanan nang buong tapang ang mga kasalanan at kasamaan ng mga tao, at pinatototohanan sa kanila ang hinggil sa pagtubos na gagawin ng Panginoon para sa kanyang mga tao, o sa ibang salita, ang pagkabuhay na mag-uli ni Cristo; at buong tapang na pinatototohanan nila ang kanyang kamatayan at mga pagdurusa.
Ngayon marami sa mga tao ang labis na nagalit dahil sa mga yaong nagpapatotoo sa mga bagay na ito; at ang mga yaong nagagalit ay karamihang mga punong hukom, at sila na naging matataas na saserdote at mga manananggol; oo, ang lahat ng yaong manananggol ay nagalit sa mga yaong nagpapatotoo sa mga bagay na ito.
Ngayon walang manananggol ni hukom o mataas na saserdote man ang may kapangyarihang hatulan ang sinuman ng kamatayan maliban kung ang kanilang pagkakahatol ay nilagdaan ng gobernador ng lupain.
Ngayon marami sa mga yaong nagpatotoo ng mga bagay hinggil kay Cristo na nagpatotoo nang buong tapang, ang dinakip at ipinapatay nang lihim ng mga hukom, kung kaya’t ang kaalaman ng kanilang kamatayan ay hindi nakarating sa gobernador ng lupain hanggang sa kanilang kamatayan.
Ngayon masdan, ito ay salungat sa mga batas ng lupain, na ang sinumang tao ay patayin maliban kung sila ay may kapangyarihan mula sa gobernador ng lupain— Kaya nga isang karaingan ang idinulog sa lupain ng Zarahemla, sa gobernador ng lupain, laban sa mga hukom na ito na humatol ng kamatayan sa mga propeta ng Panginoon, nang hindi naaalinsunod sa batas.
Ngayon ito ay nangyari na, na sila ay dinakip at dinala sa harapan ng hukom, upang hatulan sa mabibigat na pagkakasalang kanilang nagawa, alinsunod sa batas na ibinigay ng mga tao. Ngayon ito ay nangyari na, na ang mga hukom na yaon ay maraming kaibigan at kaanak; at ang nalalabi, oo, maging halos lahat ng manananggol at matataas na saserdote, ay sama-samang tinipon ang kanilang sarili, at nakiisa sa mga kaanak ng mga hukom na yaon na hahatulan alinsunod sa batas.
At sila ay nakipagtipan sa isa’t isa, oo, maging sa yaong tipan na ibinigay nila noong sinauna, kung aling tipan ay ibinigay at pinamahalaan ng diyablo, na magkaisa laban sa lahat ng kabutihan. Anupa’t sila ay nagkaisa laban sa mga tao ng Panginoon, at nakipagtipang lipulin sila, at palayain ang mga yaong nagkasala ng pagpaslang mula sa pagkakagapos ng katarungan, na ipapataw na sana alinsunod sa batas.