At ito ay nangyari na, na sa ikaanimnapu at anim na taon ng panunungkulan ng mga hukom, masdan, si Cezoram ay pinaslang ng isang hindi kilalang kamay habang siya ay nakaupo sa hukumang-luklukan. At ito ay nangyari na, na sa taon ding yaon, na ang kanyang anak, na hinirang ng mga tao na kahalili niya, ay pinaslang din. At sa gayon nagtapos ang ikaanimnapu at anim na taon.
At sa pagsisimula ng ikaanimnapu at pitong taon, ang mga tao ay nagsimulang muling maging napakasasama. Sapagkat masdan, pinagpala sila ng Panginoon ng mga kayamanan ng daigdig sa mahabang panahon kung kaya’t hindi sila napukaw sa pagkagalit, sa mga digmaan, ni sa pagdadanak man ng dugo; kaya nga, nagsimulang ilagak nila ang kanilang mga puso sa mga kayamanan; oo, sila ay nagsimulang maghangad na makinabang upang maiangat nila ang kanilang sarili sa iba; anupa’t sila ay nagsimulang gumawa ng mga lihim na pagpaslang, at manloob at mandambong, upang sila ay makinabang.
At ngayon masdan, yaong mga pumapaslang at nandarambong ay isang pangkat na binuo nina Kiskumen at Gadianton. At ngayon ito ay nangyari na, na sila ay marami, maging sa mga Nephita, na kabilang sa pangkat ni Gadianton. Subalit masdan, higit silang nakararami sa higit na masasamang bahagi ng mga Lamanita. At sila ay tinawag na mga tulisan ni Gadianton at mga mamamatay-tao. At sila ang mga yaong pumaslang sa punong hukom na si Cezoram, at sa kanyang anak, habang nasa hukumang-luklukan; at masdan, hindi sila natagpuan.
At ngayon ito ay nangyari na, nang matuklasan ng mga Lamanita na may mga tulisan sa kanila na sila ay labis na nalungkot; at ginawa nila ang lahat ng paraan na nasa kanilang kapangyarihan upang lipulin sila sa balat ng lupa. Subalit masdan, pinukaw ni Satanas ang mga puso ng nakahihigit na bahagi ng mga Nephita, hanggang sa nakiisa sila sa mga yaong pangkat ng mga tulisan, at mga nakipagtipan sa kanila at nanumpa sa kanila, na ipagsasanggalang at pangangalagaan nila ang isa’t isa sa anumang mahihirap na kalagayan sila malagay, upang hindi sila magdusa dahil sa kanilang pagpaslang, at kanilang mga pandarambong, at kanilang mga pagnanakaw.
At ito ay nangyari na, na mayroon silang mga senyas, oo, kanilang mga lihim na senyas, at kanilang mga lihim na salita; at ito ay upang makilala nila ang isang kapanalig na nakipagtipan, nang sa anumang kasamaang gagawin ng kanyang kapanalig ay hindi siya masaktan ng kanyang kapanalig, ni ng mga yaong kabilang sa kanyang pangkat, na tumanggap sa tipang ito. At sa gayon sila makapapaslang, at makapandarambong, at makapagnanakaw, at makagagawa ng mga pagpapatutot, at lahat ng uri ng kasamaan, na salungat sa mga batas ng kanilang bayan at gayon din sa mga batas ng kanilang Diyos.
At sinuman sa mga yaong nabibilang sa kanilang pangkat ang magbubunyag sa sanlibutan ng kanilang kasamaan at kanilang mga karumal-dumal na gawain, ay nararapat na litisin, hindi alinsunod sa mga batas ng kanilang bayan, kundi alinsunod sa mga batas ng kanilang kasamaan, na ibinigay nina Gadianton at Kiskumen.
Ngayon masdan, ito ang mga lihim na sumpa at tipang iniutos ni Alma sa kanyang anak na hindi nararapat kumalat sa sanlibutan, na baka ang mga ito ang maging daan ng pagdadala sa mga tao tungo sa pagkalipol.