At ngayon, ito ay nangyari na, sa ikawalumpu at anim na taon, ang mga Nephita ay nanatili pa rin sa kasamaan, oo, sa labis na kasamaan, samantalang ang mga Lamanita ay mahigpit na nagsisikap sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos, alinsunod sa mga batas ni Moises.
At ito ay nangyari na, na sa taong ito ay may isang Samuel, isang Lamanita, na dumating sa lupain ng Zarahemla, at nagsimulang mangaral sa mga tao. At ito ay nangyari na, na siya ay nangaral, nang maraming araw, ng pagsisisi sa mga tao, at siya ay itinaboy nilang palabas, at siya sana ay papauwi na sa kanyang sariling lupain.
Ngunit masdan, ang tinig ng Panginoon ay nangusap sa kanya, na kinakailangang siya ay muling magbalik, at magpropesiya sa mga tao ng mga anumang bagay na papasok sa kanyang puso.
At ito ay nangyari na, na hindi nila pinahintulutan na siya ay makapasok sa lunsod kung kaya’t siya ay nagtuloy at umakyat sa pader niyon, at iniunat ang kanyang kamay at sumigaw sa isang malakas na tinig, at nagpropesiya sa mga tao ng anumang mga bagay na inilalagay ng Panginoon sa kanyang puso.
At ngayon, ito ay nangyari na, na marami ang nakarinig sa mga salita ni Samuel, ang Lamanita, na kanyang sinabi sa ibabaw ng mga pader ng lunsod. At kasindami ng naniwala sa kanyang salita ay humayo at hinanap si Nephi; at nang sila ay humayo at natagpuan siya ay ipinagtapat nila sa kanya ang kanilang mga kasalanan at hindi nagkaila, nagnanais na sila ay mabinyagan sa Panginoon.
Ngunit kasindami ng naroroon na hindi naniwala sa mga salita ni Samuel ay nagalit sa kanya; at siya ay binato nila sa ibabaw ng pader, at marami rin ang pumana sa kanya habang siya ay nakatayo sa ibabaw ng pader; ngunit ang Espiritu ng Panginoon ay nasa kanya, kung kaya hindi siya matamaan ng kanilang mga bato ni ng kanilang mga palaso.
Ngayon, nang kanilang makita na hindi nila siya matamaan, marami pa ang naniwala sa kanyang mga salita, kung kaya sila ay nagtungo kay Nephi upang magpabinyag.
Sapagkat masdan, si Nephi ay nagbibinyag, at nagpopropesiya, at nangangaral, nangangaral ng pagsisisi sa mga tao, nagpapakita ng mga palatandaan at kababalaghan, gumagawa ng mga himala sa mga tao, upang kanilang malaman na ang Cristo ay nalalapit nang pumarito— Sinasabi sa kanila ang mga bagay na di magtatagal ay darating, upang kanilang malaman at maalaala sa panahon ng kanilang pagsapit na ang mga yaon ay ipinaalam na sa kanila noong una pa man, sa layunin na sila ay maniwala; kung kaya kasindami ng naniwala sa mga salita ni Samuel ay nagtungo sa kanya upang mabinyagan, sapagkat sila ay lumapit na nagsisisi at ipinagtatapat ang kanilang mga kasalanan.
Ngunit ang malaking bahagi nila ay hindi naniwala sa mga salita ni Samuel; kung kaya nang makita nila na siya ay hindi nila matamaan ng kanilang mga bato at ng kanilang mga palaso, sumigaw sila sa kanilang mga kapitan, sinasabing:
Dakpin ang taong ito at igapos siya, sapagkat masdan may sa diyablo siya; at dahil sa kapangyarihan ng diyablo na nasa kanya ay hindi namin siya matamaan ng aming mga bato at ng aming mga palaso; kaya nga hulihin siya at igapos siya at ilayo siya.
At habang sila ay lumalapit upang siya ay hawakan ng kanilang mga kamay, masdan, siya ay tumalon mula sa pader at tumakas palayo sa kanilang lupain, oo, maging sa kanyang sariling bayan, at nagsimulang mangaral at magpropesiya sa kanyang sariling mga tao.
At masdan, hindi na siya narinig pa sa mga Nephita; at gayon ang mga pangyayari sa mga tao. At sa gayon nagtapos ang walumpu at anim na taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi.