At nilabag nila ang batas at mga karapatan ng kanilang bayan; at nakipagtipan sila sa isa’t isa na patayin ang gobernador, at magluklok ng isang hari sa lupain, upang ang lupain ay hindi na maging malaya kundi mapapasailalim sa mga hari.
Ngayon masdan, ipakikita ko sa inyo na hindi sila nakapagluklok ng hari sa lupain; subalit sa taon ding ito, oo, sa ikatatlumpung taon, sila ay pumatay sa hukumang-luklukan, oo, pinaslang ang punong hukom ng lupain.
At ang mga tao ay nahati laban sa isa’t isa; at naghiwa-hiwalay sila sa isa’t isa sa mga lipi, ang bawat lalaki alinsunod sa kanyang mag-anak at kanyang mga kaanak at kaibigan; at sa gayon nila nawasak ang pamahalaan ng lupain. At ang bawat lipi ay naghirang ng isang puno o isang pinuno sa kanila; at sa gayon sila naging mga lipi at mga pinuno ng mga lipi.
Ngayon masdan, walang sinuman sa kanila maliban kung marami siyang mag-anak at maraming kaanak at kaibigan; kaya nga, ang kanilang mga lipi ay naging napakalaki. Ngayon, ang lahat ng ito ay naganap, at wala pang mga digmaan sa kanila; at ang lahat ng kasamaang ito ay sumapit sa mga tao dahil sa sila ay nagpasailalim sa kapangyarihan ni Satanas. At ang mga pamamalakad ng pamahalaan ay nawasak, dahil sa lihim na pakikipagsabwatan ng mga kaibigan at kaanak ng mga yaong pumaslang sa mga propeta.
At sila ay naging dahilan ng malaking alitan sa lupain, hanggang sa ang higit na mabubuting bahagi ng mga tao ay halos malapit nang maging masamang lahat; oo, may iilang mabubuting tao sa kanila. At sa gayon hindi pa nakalilipas ang anim na taon mula nang ang nakahihigit na bahagi ng mga tao ay tumalikod mula sa kanilang kabutihan, tulad ng aso sa kanyang suka, o tulad ng baboy sa kanyang paglulublob sa putik.