At ngayon, ito ang mga salitang sinabi ni Gid sa akin: Masdan, nagsimula kaming bumaba patungo sa lupain ng Zarahemla kasama ang aming mga bihag. At ito ay nangyari na, na nakaharap namin ang mga tiktik ng ating mga hukbo, na mga isinugo upang bantayan ang kuta ng mga Lamanita. At nagsisigaw sila sa amin, sinasabing,
Masdan, ang mga hukbo ng mga Lamanita ay humahayo patungo sa lunsod ng Cumeni; at masdan, kanilang sasalakayin sila, oo, at lilipulin ang ating mga tao.
At ito ay nangyari na, na narinig ng aming mga bihag ang kanilang mga sigaw, na nagpalakas ng kanilang loob; at sila ay nagsipag-aklas sa paghihimagsik laban sa amin.
At ito ay nangyari na, na dahil sa kanilang paghihimagsik ay pinapangyari namin na ang aming mga espada ay sumayad sa kanila. At ito ay nangyari na, na sabay-sabay nilang sinalubong ang aming mga espada, kung saan ang malaking bilang sa kanila ay napatay; at ang nalabi sa kanila ay nagpanakbuhan at nagsitakas mula sa amin.
At masdan, nang sila ay magsitakas at hindi namin sila naabutan, ay mabilis kaming nagtungo sa lunsod ng Cumeni; at masdan, tamang-tama ang pagdating namin upang matulungan namin ang ating mga kapatid sa pangangalaga sa lunsod.
At masdan, muli tayong naligtas mula sa mga kamay ng ating mga kaaway. At purihin ang pangalan ng ating Diyos; sapagkat masdan, siya ang nagligtas sa atin; oo, ang gumawa ng dakilang bagay na ito para sa atin.