Ang Pagsipi ni Nephi sa Isaias

Ang Sanggol ay Isinilang

2 Nephi 19:1

Yaong mga naghihinagpis ay makatatagpo ng kapayapaan.

Gayon pa man,
ang karimlan ay hindi magiging katulad ng kanyang paghihinagpis,
nang sa una ay magaan niyang pinahirapan ang lupain ng Zabulon,
at ang lupain ng Neptali,
at pagkaraan ay higit na masidhing pahihirapan
ang daan patungo sa Dagat na Pula
sa kabila ng Jordan sa Galilea ng mga bansa.

2 Nephi 19:2–5

Ang mga tao ay may dahilang magalak at mapanatag.

Ang mga taong lumalakad sa kadiliman ay nakakita ng dakilang liwanag;
sila na naninirahan sa lupain ng anino ng kamatayan,
sa kanila sumikat ang isang liwanag.

Iyong pinarami ang bansa,
at nagdulot ng kagalakan—
nagagalak sila sa iyong harapan alinsunod sa kagalakan ng pag-aani,
at gaya ng pagsasaya ng mga tao habang hinahati ang kanilang nasamsam.

Sapagkat sinira mo ang pamatok na kanyang pasan,
at ang pamalong tumatama sa kanyang balikat,
ang hagupit ng umaalipin sa kanya.

Sapagkat ang bawat digmaan ng mandirigma ay may nakalilitong kaguluhan,
at ang mga kasuotan ay nabalot sa dugo;
subalit ito ay susunugin at igagatong sa apoy.

2 Nephi 19:6–7

Ang iprinopesiyang bata ay magiging makapangyarihang Hari ng mga hudyo.

Sapagkat sa atin ay isinilang ang isang bata,
sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalaki;

At ang pamamahala ay maaatang sa kanyang balikat;
at ang kanyang pangalan ay tatawaging:
Kahanga-hanga, Tagapayo,
Ang Makapangyarihang Diyos,
Ang Amang Walang Hanggan,
Ang Prinsipe ng Kapayapaan.

Ang pag-unlad ng kanyang pamamahala at kapayapaan ay walang katapusan,
sa trono ni David,
at sa kanyang kaharian upang isaayos ito,
at upang itatag ito nang may kahatulan
at katarungan mula ngayon,
maging magpakailanman.

Mangyayari ito sa pagpupunyagi ng Panginoon ng mga Hukbo.