Ang Pagsipi ni Nephi sa Isaias

Ang Pagkahulog ng Damascus at Samaria

2 Nephi 18:1–2

Sinabi ng Diyos kay Isaias na isulat ang salitang ”Maher-salalias-baz” sa harap ng mga saksi; ang kanyang asawa ay nagsilang ng anak na binigyan ng gayong pangalan.

Bukod dito, ang salita ng Panginoon ay nagsabi sa akin:

Kumuha ka ng isang malaking balumbon ng papel,
at sulatan ito sa pamamagitan ng panulat ng tao,
hinggil kay Maher-salalias-baz.

At kumuha ako ng mga tapat na saksi upang magtala, si Uria na saserdote, at si Zekarias na anak ni Jeberekias.

2 Nephi 18:3–4

Ang Panginoon ay nagbabala na ang Damasco ay pagdarambugin sa panahon ng kamusmusan ng bata.

At nagtungo ako sa propetisa; at naglihi siya at nagsilang ng isang anak na lalaki. Pagkatapos sinabi sa akin ng Panginoon:

Tawagin siya sa pangalang Maher-salalias-baz.

Sapagkat masdan,
hindi matututong magsalita ang bata ng:
Ama ko, at ina ko,
bago ang mga kayamanan ng Damasco
at ang mga sinamsam ng Samaria
ay aagawin sa harapan ng hari ng Asiria.

2 Nephi 18:5–8

Isang malaking baha ang naghihintay sa mga tao dahil sa kanilang kapalaluhan.

Muling nangusap sa akin ang Panginoon, nagsasabing:

Yaman din lamang na tinanggihan ng mga taong ito
ang tubig ng Siloa na marahang umaagos,
at nangagsasaya kay Resin at sa anak ni Remalias;

Ngayon samakatwid, masdan,
ang Panginoon ay magpapadala sa kanila
ng malakas at bumubugsong tubig ng ilog,
maging ang hari ng Asiria at ang kanyang buong kaluwalhatian;
na anupa’t aapaw sa lahat ng kanyang pampang,
at babaha sa lahat ng kanyang baybayin.

At magdaraan sa Juda;
babaha at tataas
ang tubig hanggang sa leeg;
at sasakupin ng kanyang mga pakpak
ang buong kalawakan ng iyong lupain,
O Emmanuel.

2 Nephi 18:9–10

Maging mapagmatyag! Maging handa! Ang Panginoon ay mananaig.

Kayo ay magsama-sama,
O kayong mga tao,
at kayo ay magkakawatak-watak;

At makinig kayong lahat na nasa malalayong bansa;

mangagbigkis kayo,
at kayo ay magkakawatak-watak din;

Mangagbigkis kayo,
at kayo ay magkakawatak-watak din.

Magsanggunian kayo,
at mawawalang-saysay ito.

Magsalita kayo,
at walang mangyayari.

Sapagkat nasa amin ang Diyos.