Ang Pagsipi ni Nephi sa Isaias

Ang Pagtitipon ng Israel

2 Nephi 21:11

Sisimulang tipunin ng Panginoon ang Israel.

At ito ay mangyayari sa araw na yaon na itataas na muli ng Panginoon ang kanyang kamay sa ikalawang pagkakataon upang maibalik ang labi ng kanyang mga tao na matitira,
mula sa Asiria,
at mula sa Egipto,
at mula sa Patros,
at mula sa Cus,
at mula sa Elam,
at mula sa Sinar,
at mula sa Jamat,
at mula sa mga pulo ng dagat.

2 Nephi 21:12–16

Isang bandila ang itatayo upang akayin ang landas patungo sa Sion.

At magtataas siya ng sagisag para sa mga bansa,
at titipunin niya ang mga tapon ng Israel,
at sama-samang titipunin ang mga ikinalat ng Juda
mula sa apat na sulok ng mundo.

At ang paninibugho rin ng Ephraim ay maaalis,
at ihihiwalay ang mga kaaway ng Juda;
hindi na maiinggit ang Ephraim sa Juda,
at hindi na manliligalig ang Juda sa Ephraim.

Subalit lulusob sila sa mga balikat ng mga Filisteo
tungo sa kanluran;
sabay-sabay silang mananamsam sa mga anak ng silanganan;
at pagbubuhatan ng kanilang kamay ang Edom at Moab;
at susundin sila ng mga anak ni Ammon.

At lubusang patutuyuin ng Panginoon ang dila
ng dagat Egipto;
at sa pamamagitan ng kanyang malakas na hangin
ay iwawasiwas niya ang kanyang kamay sa ilog,
at hahampasin niya sa pitong batis,
at palalakarin niya ang mga tao na hindi basa ang sapin sa paa.

At magkakaroon ng lansangan
para sa mga labi ng kanyang mga tao
na matitira, mula sa Asiria,
tulad ng sa Israel sa araw
na sila ay lumabas mula sa lupain ng Egipto.