Ang Sermon ni Jacob

Ang Mga Bansa ng Mga Hentil sa Lupang Pangako

2 Nephi 10:10–14

Ang lupang pangako ay magiging malakas laban sa ibang bansa at hindi na magkakaroon ng mga hari.

Subalit masdan, ang lupaing ito, wika ng Diyos, ay magiging lupaing iyong mana, at ang mga Gentil ay pagpapalain sa lupain. At ang lupaing ito ay magiging lupain ng kalayaan sa mga Gentil, at hindi magkakaroon ng mga hari sa lupain, na ibabangon sa mga Gentil.

At aking palalakasin ang lupaing ito laban sa lahat ng iba pang bansa. At siya na lumalaban sa Sion ay masasawi, wika ng Diyos. Sapagkat siya na magbabangon ng isang hari laban sa akin ay masasawi, sapagkat ako, ang Panginoon, na hari ng langit, ang kanilang magiging hari, at ako ang magsisilbing ilaw sa kanila magpakailanman, na mga makikinig sa aking mga salita.

2 Nephi 10:15–17

Ang salita ng Diyos ay maisasakatuparan, at sila na kumakalaban sa Sion ay pababagsakin.

Samakatwid, sa dahilang ito, upang matupad ang aking mga tipan na aking ginawa sa mga anak ng tao, na aking gagawin sa kanila habang sila ay nasa laman, talagang kinakailangan kong wasakin ang mga lihim na gawain ng kadiliman, at ang mga pagpaslang, at ang mga karumal-dumal na gawain.

Anupa’t sino man ang kumalaban sa Sion, kapwa Judio at Gentil, kapwa alipin at malaya, kapwa lalaki at babae, ay masasawi; sapagkat sila ang mga yaong patutot ng buong mundo; sapagkat sila na hindi para sa akin ay laban sa akin, wika ng ating Diyos. Sapagkat tutuparin ko ang aking mga pangako na aking ginawa sa mga anak ng tao, na gagawin ko sa kanila habang sila ay nasa laman—

2 Nephi 10:18–19

Ang mga Gentil ay magiging bahagi ng sambahayan ni Israel.

Samakatwid, mga minamahal kong kapatid, ganito ang wika ng ating Diyos:

Pahihirapan ko ang inyong mga binhi sa pamamagitan ng kamay ng mga Gentil; gayunman, palalambutin ko ang mga puso ng mga Gentil, na sila ay matutulad sa isang ama sa kanila; anupa’t ang mga Gentil ay pagpapalain at ibibilang sa sambahayan ni Israel.

Samakatwid, ilalaan ko ang lupaing ito sa inyong mga binhi, at sa kanila na ibibilang sa inyong mga binhi, magpakailanman, bilang lupaing kanilang mana; sapagkat ito ay isang piling lupain, wika ng Diyos sa akin, higit sa iba pang mga lupain, kaya nga nais kong sumamba sa akin ang lahat ng taong maninirahan dito, wika ng Diyos.