Ang Sermon ni Jacob

Muling Pagkakasundo sa Pamamagitan ni Kristo

2 Nephi 10:20–22

Hinikayat ni Jacob ang lahat na isuko ang lahat ng kanilang mga kasalanan at maniwala sa mga pangako ng Panginoon.

At ngayon, mga minamahal kong kapatid, nalalamang binigyan tayo ng ating maawaing Diyos ng maraming kaalaman hinggil sa mga bagay na ito, atin siyang alalahanin, at isantabi ang ating mga kasalanan, at huwag iyuko ang ating mga ulo, sapagkat hindi tayo itatakwil; gayon pa man, itinaboy tayo palabas mula sa lupaing ating mana; subalit tayo ay dinala sa higit na mainam na lupain, sapagkat ginawa ng Panginoon na ang dagat ay maging daan natin, at tayo ay nasa isang pulo ng dagat.

Subalit dakila ang mga pangako ng Panginoon sa kanila na nasa mga pulo ng dagat; samakatwid, sapagkat sinabing mga pulo, tiyak na marami pang iba bukod dito, at ang mga ito ay tinitirahan din ng ating mga kapatid. Sapagkat masdan, inaakay palayo ng Panginoong Diyos ang sambahayan ni Israel sa pana-panahon, alinsunod sa kanyang kalooban at kasiyahan. At ngayon masdan, naaalaala ng Panginoon silang lahat na nahiwalay, anupa’t, naaalaala rin niya tayo.

2 Nephi 10:23–25

Pinayuhan ni Jacob ang mga tao na piliin ang buhay na walang hanggan at matanggap sa kaharian ng Diyos.

Samakatwid, magalak sa inyong mga puso, at tandaan ninyo na kayo ay malayang makakikilos para sa inyong sarili—ang piliin ang daan ng walang hanggang kamatayan o ang daan ng buhay na walang hanggan. Samakatwid, mga minamahal kong kapatid, makipagkasundo kayo sa kalooban ng Diyos, at hindi sa kagustuhan ng diyablo at ng laman; at tandaan, matapos kayong makipagkasundo sa Diyos, na dahil lamang sa at sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos na kayo ay maliligtas.

Samakatwid, nawa ay ibangon kayo ng Diyos mula sa kamatayan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pagkabuhay na mag-uli, at mula rin sa walang hanggang kamatayan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pagbabayad-sala, upang kayo ay matanggap sa walang hanggang kaharian ng Diyos, upang inyong papurihan siya sa pamamagitan ng dakilang biyaya. Amen.

2 Nephi 11:1

si Jacob ay nagsalita ng marami pang mga bagay, at tinapos ang mga ulat ng kanyang mga sermon.

At ngayon, marami pang bagay ang sinabi ni Jacob sa aking mga tao sa panahong yaon; gayon pa man ang mga bagay lamang na ito ang aking isinulat, sapagkat ang mga bagay na naisulat ko ay sapat na sa akin.