At ngayon dahil sa bagay na ginawa ni Shul ay iginawad ng kanyang ama sa kanya ang kaharian; anupa’t siya ay nagsimulang mamahala bilang kahalili ng kanyang ama. At ito ay nangyari na, na nagpatupad siya ng kahatulan sa katwiran; at pinag-ibayo niya ang kanyang kaharian sa ibabaw ng buong lupain, sapagkat ang mga tao ay naging lubhang napakarami.
At ito ay nangyari na, na nagkaroon din si Shul ng maraming anak na lalaki’t babae. At si Corihor ay nagsisi sa maraming kasamaang kanyang nagawa; kaya nga, siya ay binigyan ni Shul ng kapangyarihan sa kanyang kaharian. At ito ay nangyari na, na si Corihor ay nagkaroon ng maraming anak na lalaki’t babae. At sa mga anak na lalaki ni Corihor ay may isa na ang pangalan ay Noe.
At ito ay nangyari na, na si Noe ay naghimagsik laban kay Shul, ang hari, at gayundin sa kanyang amang si Corihor, at nahimok si Cohor na kanyang kapatid, at gayundin ang lahat ng kanyang kapatid na lalaki at marami sa mga tao. At siya ay nakidigma kay Shul, ang hari, kung saan ay nakuha niya ang lupain ng kanilang unang mana; at siya ay naging hari sa bahaging yaon ng lupain.
At ito ay nangyari na, na siya ay muling nakidigma kay Shul, ang hari; at dinakip niya si Shul, ang hari, at dinala siyang bihag sa Moron.
At ito ay nangyari na, nang siya ay ipapatay na lamang, ang mga anak ni Shul ay palihim na pumasok sa bahay ni Noe sa gabi at pinatay siya, at winasak ang pinto ng bilangguan at inilabas ang kanilang ama, at iniupo siya sa kanyang trono sa kanyang sariling kaharian.
Anupa’t itinatag ng anak ni Noe ang kanyang kaharian bilang kahalili niya; Gayon pa man sila ay hindi na nagwagi kay Shul, ang hari, at ang mga tao na nasa ilalim ng paghahari ni Shul, ang hari, ay labis na umunlad at naging makapangyarihan.
At ang bayan ay nahati; at nagkaroon ng dalawang kaharian, ang kaharian ni Shul, at ang kaharian ni Cohor, na anak ni Noe. At si Cohor, na anak ni Noe, ay inudyukan ang kanyang mga tao na makidigma kaya Shul, kung saan sila ay nagapi ni Shul at napatay si Cohor.
At ngayon, si Cohor ay may isang anak na lalaki na tinatawag na Nimrod; at isinuko ni Nimrod ang kaharian ni Cohor kay Shul, at nakuha niya ang pagsang-ayon sa paningin ni Shul; anupa’t nagbigay ng malalaking kasihan sa kanya si Shul, at ginawa niya sa kaharian ni Shul ang naaayon sa kanyang mga naisin.
At sa paghahari rin ni Shul ay nagkaroon ng mga propeta sa mga tao, na isinugo mula sa Panginoon, nagprpropesiya na ang mga kasamaan at pagsamba ng mga tao sa diyus-diyusan ay nagdadala ng sumpa sa lupain, at sila ay malilipol kung hindi sila magsisisi.
At ito ay nangyari na, na nilait ng mga tao ang mga propeta, at pinagtawanan sila. At ito ay nangyari na, na nagpatupad ng kahatulan si haring Shul laban sa lahat ng yaong lumalait sa mga propeta. At nagpatupad din ng batas sa buong lupain, na nagbigay-kapangyarihan sa mga propeta na maaari silang magtungo kung saan man nila naisin; at dahil dito, ang mga tao ay nadala sa pagsisisi. At dahil ang mga tao ay nagsisi ng kanilang mga kasamaan at pagsamba sa mga diyus-diyusan sila ay pinatawad ng Panginoon, at sila ay nagsimulang umunlad na muli sa lupain. At ito ay nangyari na, na si Shul ay nagkaroon ng mga anak na lalaki’t babae sa kanyang katandaan.
At hindi na nagkaroon pa ng mga digmaan sa mga araw ni Shul; at naalaala niya ang mga dakilang bagay na ginawa ng Panginoon para sa kanyang mga ama sa pagdadala sa kanila sa pagtawid sa malawak na kailaliman patungo sa lupang pangako; kaya nga siya ay nagpatupad ng kahatulan sa katwiran sa lahat ng kanyang mga araw.