Samakatwid, masdan, ito ay nangyari na, na dahil sa lihim na pakikipagsabwatan ni Akis at ng kanyang mga kaibigan, masdan, naibagsak nila ang kaharian ni Omer. Gayon pa man, ang Panginoon ay naging maawain kay Omer, at gayon din sa kanyang mga anak na lalaki at sa kanyang mga anak na babae na hindi naghangad ng kanyang pagkawasak.
At binalaan ng Panginoon si Omer sa isang panaginip na nararapat niyang lisanin ang lupain; kasama ang kanyang mag-anak, at naglakbay ng maraming araw, at narating at nadaanan ang burol ng Shim, at narating ang lugar kung saan nalipol ang mga Nephita, at mula roon ay nagpasilangan, at narating ang lugar na tinatawag na Ablum, sa may dalampasigan, at doon niya itinayo ang kanyang tolda, at gayon din ang kanyang mga anak na lalaki at kanyang mga anak na babae, at ang kanyang buong sambahayan, maliban kay Jared at sa kanyang mag-anak.
At ito ay nangyari na, na si Jared ay hinirang na hari ng mga tao, ng kamay ng kasamaan; at ipinagkaloob niya kay Akis ang kanyang anak na babae na maging asawa.
At ito ay nangyari na, na hinangad kitlin ni Akis ang buhay ng kanyang biyanang lalaki; at ginamit niya ang mga yaong pinasumpa niya sa pamamagitan ng sumpa ng mga sinauna, at nakuha nila ang ulo ng kanyang biyanang lalaki, habang siya ay nakaupo sa kanyang trono, na nakikipag-usap sa kanyang mga tao. Sapagkat napakalaki ng naging paglaganap ng masama at lihim na samahang ito kung kaya’t pinasama nito ang mga puso ng lahat ng tao; anupa’t si Jared ay napaslang sa kanyang trono, at si Akis ay nagharing kahalili niya.
At ito ay nangyari na, na si Akis ay nagsimulang manibugho sa kanyang anak na lalaki, kung kaya’t kanyang ipinakulong siya sa bilangguan, at binuhay siya sa kakaunti o walang pagkain hanggang sa siya ay magdanas ng kamatayan.
At ngayon, ang kapatid na lalaki niya na nagdanas ng kamatayan, (at ang pangalan niya ay Nimras) ay nagalit sa kanyang ama dahil sa ginawa ng kanyang ama sa kanyang kapatid. At ito ay nangayari na, na si Nimras ay nangalap ng maliit na bilang ng mga tauhan, at tumakas palabas ng lupain, at nakararating at nanirahang kasama ni Omer.
At ito ay nangyari na, na isinilang kay Akis ang iba pang mga anak na lalaki, at naakit nila ang puso ng mga tao, sa kabila ng panunumpa nila sa kanya na gagawin ang lahat ng uri ng kasamaan alinsunod sa yaong kahilingan niya. Ngayon, ang mga tao ni Akis ay nagnais na makinabang, maging tulad ni Akis na naghangad ng kapangyarihan; kaya nga, inalok sila ng mga anak ni Akis ng salapi, sa gayong pamamaraan ay nahimok nila na sumunod sa kanila ang nakararaming bahagi ng mga tao.
At nagsimulang magkaroon ng digmaan sa pagitan ng mga anak na lalaki ni Akis at kay Akis, na tumagal sa loob ng maraming taon, oo, hanggang sa pagkalipol ng halos lahat ng tao ng kaharian, oo, maging lahat, maliban sa tatlumpung katao, at sila na nagsitakas na kasama ng sambahayan ni Omer. Anupa’t si Omer ay muling naibalik sa lupaing kanyang mana.