At ito ay nangyari na, na isinilang sa kanya si Omer, at si Omer ay nagharing kahalili niya. At isinilang kay Omer si Jared; at si Jared ay nagkaroon ng mga anak na lalaki’t babae. At si Jared ay naghimagsik laban sa kanyang ama, at nagtungo at nanirahan sa lupain ng Het. At ito ay nangyari na, na nahibok niya ang maraming tao, dahil sa kanyang mga tusong salita, hanggang sa maangkin niya ang kalahati ng kaharian. At nang maangkin na niya ang kalahati ng kaharian siya ay nakidigma sa kanyang ama, at tinangay niya ang kanyang ama sa pagkabihag, at pinagsilbi siya sa pagkabihag;
At ngayon, sa mga araw ng paghahari ni Omer ay nasa pagkabihag siya nang kalahati ng kanyang mga araw. At ito ay nangyari na, na siya ay nagkaroon ng mga anak na lalaki’t babae, kabilang sa kanila sina Esrom at Coriantumer; At labis silang nagalit dahil sa mga ginagawa ni Jared na kanilang kapatid, hanggang sa sila ay nakapangalap ng isang hukbo at nakidigma kay Jared. At ito ay nangyari na, na sila ay nakidigma sa kanya sa gabi. At ito ay nangyari na, nang mapatay nila ang hukbo ni Jared na papatayin na rin sana nila siya; at siya ay nagmakaawa sa kanila na huwag siyang patayin, at isusuko niya ang kaharian sa kanyang ama. At ito ay nangyari na, na ipinagkaloob nila sa kanya ang kanyang buhay.
At ngayon, si Jared ay naging napakalungkot dahil sa pagkawala ng kaharian, sapagkat inilagak niya ang kanyang puso sa kaharian at sa papuri ng daigdig. Ngayon, ang anak na babae ni Jared dahil sa napakatuso, at nakikita ang kalungkutan ng kanyang ama, ay naisipang bumuo ng isang plano upang matubos niya ang kaharian para sa kanyang ama.
Ngayon, ang anak na babae ni Jared ay labis na kaaya-aya. At ito ay nangyari na, na siya ay nakipag-usap sa kanyang ama, at sinabi sa kanya:
Sa anong dahilan ang aking ama ay labis na nalulungkot? Hindi ba niya nabasa ang talaang dinala ng ating mga ama mula sa kabila ng malawak na kailaliman? Masdan, hindi ba’t may ulat hinggil sa kanila noong sinauna, na sila sa pamamagitan ng kanilang mga lihim na plano ay nakatamo ng mga kaharian at malaking kabantugan?
At ngayon, samakatwid, ipatawag ng aking ama si Akis, na anak na lalaki ni Kimnor; at masdan, ako’y kaaya-aya, at ako ay magsasayaw sa kanyang harapan, at bibigyang-kasiyahan ko siya, upang naisin niya akong maging asawa; sa gayon kung hihingin niya sa inyong ipagkaloob ako sa kanya na maging asawa, doon ninyo sasabihin:
’Ipagkakaloob ko siya kung dadalhin mo sa akin
ang ulo ng aking ama, ang hari.’
At ngayon, si Omer ay isang kaibigan kay Akis; samakatwid, nang ipatawag ni Jared si Akis, na ang anak na babae ni Jared ay nagsayaw sa kanyang harapan na kanyang nabigyang-kasiyahan siya, kung kaya’t ninais niyang maging asawa siya. At ito ay nangyari na, na sinabi niya kay Jared:
Ipagkaloob mo siya sa akin na maging asawa.
At sinabi ni Jared sa kanya:
Ipagkakaloob ko siya sa iyo, kung dadalhin mo sa akin
ang ulo ng aking ama, ang hari.
At ito ay nangyari na, na tinipon ni Akis sa tahanan ni Jared ang lahat ng kanyang kaanak, at sinabi sa kanila:
Mangangako ba kayo sa akin na maging tapat kayo sa akin
sa bagay na hihilingin ko sa inyo?
At ito ay nangyari na, na silang lahat ay nanumpa sa kanya, sa Diyos ng langit, at gayon din sa kalangitan, at gayon din sa lupa, at sa kanilang mga ulo, na sinuman ang magbabago mula sa pagtulong na hiniling ni Akis ay mawawalan ng kanyang ulo; at kung sinuman ang magsisiwalat ng anumang bagay na ipinaalam sa kanila ni Akis, siya rin ay kikitlan ng kanyang buhay. At ito ay nangyari na, na sa gayon sila sumang-ayon kay Akis. At inihayag sa kanila ni Akis ang mga sumpang ibinigay sa kanila ng mga yaong sinauna na naghangad din ng kapangyarihan, na ipinasa-pasa maging mula pa kay Cain, na isang mamamatay-tao mula pa sa simula.
At ang mga ito ay iningatan ng kapangyarihan ng diyablo upang ihayag ang mga pangakong ito sa mga tao, upang mapanatili sila sa kadiliman, upang tulungan ang mga yaong naghahangad ng kapangyarihan na makakuha ng kapangyarihan, at makapaslang, at makadambong, at makapagsinungaling, at makagawa ng lahat ng uri ng kasamaan at mga pagpapatutot. At ang anak na babae ni Jared ang siyang naglagay nito sa kanyang puso na saliksikin ang mga bagay na ito noong sinauna; at inilagay ito ni Jared sa puso ni Akis; anupa’t ipinahayag ito ni Akis sa kanyang mga kaanak at kaibigan, inaakay silang palayo sa pamamagitan ng magagandang pangako upang kanilang gawin ang anumang bagay na naisin niya.
At ito ay nangyari na, na sila ay bumuo ng isang lihim na pakikipagsabwatan, maging tulad nila noong sinauna; kung aling pakikpagsabwatan ay pinakakarumal-dumal at pinaka-masama sa lahat, sa paningin ng Diyos; Sapagkat ang Panginoon ay hindi gumagawa sa mga lihim na pakikipagsabwatan, ni ang loobin niyang magpadanak ng dugo ang tao, kundi ipinagbabawal ito sa lahat ng bagay, mula pa sa simula ng tao.