At siya ay nagsimulang mamahala, at ang mga tao ay nagsimulang umunlad; at naging labis silang mayayaman.
At ito ay nangyari na, na si Jared ay namatay, at gayon din ang kanyang kapatid.
At ito ay nangyari na, na lumakad si Orihas nang mapagkumbaba sa harapan ng Panginoon, at tinandaan ang mga dakilang bagay na ginawa ng Panginoon para sa kanyang ama, at itinuro rin sa kanyang mga tao ang mga dakilang bagay na ginawa ng Panginoon para sa kanilang mga ama.
At ito ay nangyari na, na si Orihas ay nagpatupad ng kahatulan sa lupain sa katwiran sa lahat ng kanyang mga araw, na ang mga araw ay lubhang napakarami.
At siya ay nagkaroon ng mga anak na lalaki’t babae; oo, siya ay nagkaroon ng tatlumpu at isa, sa yaon ay dalawampu at tatlo ang mga lalaki.
At ito ay nangyari na, na isinilang din sa kanya si Kib sa kanyang katandaan.
At ito ay nangyari na, na si Kib ang namahalang kahalili niya;
At isinilang kay Kib si Corihor. At nang si Corihor ay tatlumpu at dalawang taong gulang na, siya ay naghimagsik laban sa kanyang ama, at nagtungo at nanirahan sa lupain ng Nehor; at siya ay nagkaroon ng mga anak na lalaki’t babae, at sila ay naging labis na kaaya-aya; anupa’t si Corihor ay nakaakit ng maraming tao na sumunod sa kanya.
At nang makapangalap siya ng hukbo siya ay nagtungo sa lupain ng Moron kung saan naninirahan ang hari, at dinala siyang bihag, na katuparan ng sinabi ng kapatid ni Jared na sila ay madadala sa pagkabihag. Ngayon, ang lupain ng Moron, kung saan naninirahan ang hari, ay malapit sa lupaing tinatawag na Kapanglawan ng mga Nephita.
At ito ay nangyari na, na si Kib ay namalagi sa pagkabihag, at ang kanyang mga tao sa ilalim ni Corihor na kanyang anak na lalaki, hanggang sa siya ay lubusan nang tumanda; gayon pa man, isinilang kay Kib si Shul sa kanyang katandaan, habang siya ay nasa pagkabihag.
At ito ay nangyari na, na si Shul ay nagalit sa kanyang kapatid; at si Shul ay lumaking malakas, at naging napakalakas tulad ng lakas ng isang lalaki; at naging makapangyarihan din siya sa paghahatol. Samakatwid, siya ay nagtungo sa burol Ephraim, at tumunaw siya mula sa burol, at gumawa siya ng mga espada mula sa asero para sa mga yaong sumama sa kanya; at matapos na kanyang masandatahan sila ng mga espada, siya ay bumalik sa lunsod Nehor, at nakidigma sa kanyang kapatid na si Corihor, sa gayong paraan ay nabawi niya ang kaharian at ibinalik ito sa kanyang amang si Kib.