At ito ay nangyari na, na si Omer ay nagsimulang tumanda; gayon pa man, sa kanyang katandaan ay isinilang sa kanya si Emer; at hinirang niya si Emer na maging hari upang magharing kahalili niya. At matapos niyang hirangin si Emer na maging hari siya ay nakakita ng kapayapaan sa lupain sa loob ng dalawang taon, at siya ay namatay, matapos na mabuhay ng napakaraming araw, na puspos ng kalungkutan. At ito ay nangyari na, na si Emer ay nagharing kahalili niya, at sinunod ang mga yapak ng kanyang ama.
At nagsimulang alising muli ng Panginoon ang sumpa sa lupain, at ang sambahayan ni Emer ay labis na umunlad sa ilalim ng paghahari ni Emer; at sa loob ng animnapu at dalawang taon sila ay naging napakalalakas, hanggang sa naging napakayayaman nila—Nagtataglay ng lahat ng uri ng bungang-kahoy, at ng butil, at ng sutla, at ng maiinam na lino, at ng ginto, at ng pilak, at ng mahahalagang bagay; At gayon din ng lahat ng uri ng baka, at ng tupa, at ng baboy, at ng kambing, at marami pang ibang uri ng mga hayop na kapaki-pakinabang na pagkain ng tao. At mayroon din silang mga kabayo, at asno, at may mga elepante at kurilum at kumom; lahat ng yaon ay kapaki-pakinabang sa tao, at lalong higit ang mga elepante at kurilum at kumom.
At sa gayon ibinuhos ng Panginoon ang kanyang mga pagpapala sa lupaing ito, na pinili sa lahat ng iba pang lupain; at iniutos niya na sinuman ang mag-aangkin sa lupain ay nararapat na angkinin ito para sa Panginoon, o sila’y malilipol kapag hinog na sila sa kasamaan; sapagkat sa gayon, wika ng Panginoon:
Ibubuhos ko ang kaganapan ng aking kapootan.
At si Emer ay nagpatupad ng kahatulan sa katwiran sa lahat ng kanyang mga araw, at siya ay nagkaroon ng maraming anak na lalaki’t babae; at isinilang sa kanya si Coriantum, at hinirang niya si Coriantum na magharing kahalili niya. At matapos niyang hirangin si Coriantum na magharing kahalili niya ay nabuhay pa siya ng apat na taon, at siya ay nakakita ng kapayapaan sa lupain; oo, at nakita niya maging ang Anak ng Kabutihan, at nagsaya at nagpapuri sa kanyang araw; at siya ay namatay nang mapayapa.