At ito ay nangyari na, na si Kis ay namatay rin, at si Lib ay nagharing kahalili niya.
At ito ay nangyari na, na ginawa rin ni Lib ang yaong mabuti sa paningin ng Panginoon. At sa araw ni Lib ay napuksa ang mga makamandag na ahas. Anupa’t sila ay nagtungo sa lupaing katimugan, upang mangaso ng pagkain para sa mga tao ng lupain, sapagkat ang lupain ay puno ng mga hayop ng kagubatan. At si Lib din ay naging mahusay na mangangaso.
At sila ay nagtayo ng isang lunsod sa makitid na daanan ng lupain, sa dako kung saan hinahati ng dagat ang lupain. At inilaan nila ang lupaing katimugan na isang ilang, upang makapangaso. At ang lahat ng dako ng lupaing kahilagaan ay napuno ng mga naninirahan. At sila’y lubhang masisipag, at sila ay bumibili at naglalako at nakikipagkalakalan sa isa’t isa upang sila ay kumita. At sila ay gumawa ng lahat ng uri ng inang mina, at sila ay gumawa ng ginto, at pilak, at bakal, at tanso, at lahat ng uri ng metal; at hinukay nila ito mula sa lupa; anupa’t sila ay nagtapon ng malalaking bunton ng lupa upang kumuha ng inang mina, ng ginto, at ng pilak, at ng bakal, at ng tumbaga. At sila ay gumawa ng lahat ng uri ng maiinam na pagkakayari.
At sila ay may mga sutla, at maiinam na hinabing lino; at sila ay gumawa ng lahat ng uri ng kayo, upang madamitan nila ang kanilang sarili mula sa kanilang kahubaran. At sila ay gumawa ng lahat ng uri ng kagamitan upang bungkalin ang lupa, kapwa upang mag-araro at magtanim, upang umani at mag-asarol, at gayon din upang gumiik. At sila ay gumawa ng lahat ng uri ng kagamitan kung saan ay pinagawa nila ang kanilang mga hayop.
At kailanma’y walang taong higit na pinagpala kaysa sa kanila, at higit na pinaunlad ng kamay ng Panginoon. At sila ay nasa lupaing pinili sa lahat ng lupain, sapagkat ito ang wika ng Panginoon. At ito ay nangyari na, na si Lib ay nabuhay ng maraming taon, at nagkaroon ng mga anak na lalaki’t babae; at isinilang din sa kanya si Hertum.