Ang Panahon ng Mga Jaredita

Ang Paghahari ni Morianton

Eter 10:9

Si Morianton ay inapo ni Riplakis na nagtipon ng ilang puwersa at nasakop ang ilang mga lunsod muli mula sa pangunahing bahagi ng mga Jaredita; matapos ng ilang labanan, siya ay naging matagumpay na mabawi ang kabuuan ng kaharian.

At ito ay nangyari na, matapos lumipas ang maraming taon, si Morianton, (siya na isang inapo ni Riplakis) ay nangalap ng isang hukbo ng mga itinakwil, at humayo, at nakidigma sa mga tao; at nakuha niya ang kapangyarihan sa maraming lunsod; at ang digmaan ay naging napakasidhi, at tumagal sa loob ng maraming taon; at nakuha niya ang kanyang kapangyarihan sa buong lupain, at iniluklok ang kanyang sarili bilang hari ng buong lupain.

Eter 10:10–11

Si Morianton ay mabuti sa kanyang mga tao, at pinagaan ang kanilang mga pasanin, subalit, siya ay hindi moral o mabuting tao.

At matapos niyang iluklok ang kanyang sarili bilang hari ay pinagaan niya ang mga pasanin ng mga tao, sa gayon ay nakuha niya ang pagsang-ayon sa paningin ng mga tao, at kanilang hinirang siya na maging hari nila. At siya ay naging makatarungan sa mga tao, subalit hindi sa kanyang sarili dahil sa kanyang maraming pagpapatutot; kaya nga, siya ay nahiwalay mula sa harapan ng Panginoon.

Eter 10:12

Ang mga patakarang pampubliko ni Morianton ay nagdala sa kaunlaran sa ekonomiya.

At ito ay nangyari na, na si Morianton ay nagtayo ng maraming lunsod, at ang mga tao ay naging napakayayaman sa ilalim ng kanyang paghahari, kapwa sa mga gusali, at sa ginto at pilak, at sa pagpapatubo ng mga butil, at sa mga kawan ng tupa, at baka, at ng gayong mga bagay na ibinalik sa kanila.