At ito ay nangyari na, na si Ahas, na kanyang anak na lalaki, ang nagtamo ng kaharian; at siya ay naghari sa mga tao sa lahat ng kanyang mga araw. At ginawa niya ang lahat ng uri ng kasamaan sa kanyang mga araw, sa gayong paraan pinapangyari niya ang pagdanak ng maraming dugo; at kakaunti ang kanyang mga araw.
At si Etem, dahil sa inapo siya ni Ahas, ay natamo ang kaharian; at ginawa rin niya ang yaong masama sa kanyang mga araw.
At ito ay nangyari na, na sa mga araw ni Etem ay nagkaroon ng maraming propeta, at muling nagpropesiya sa mga tao; oo, sila ay nagpropesiya na ang Panginoon ay lubusan silang lilipulin mula sa balat ng lupa maliban kung sila ay magsisisi ng kanilang mga kasamaan.
At ito ay nangyari na, na pinatigas ng mga tao ang kanilang mga puso, at tumangging makinig sa kanilang mga salita; at ang mga propeta ay nagdalamhati at nagsilayo mula sa mga tao.
At ito ay nangyari na, na si Etem ay nagpatupad ng kahatulan sa kasamaan sa lahat ng kanyang mga araw; at isinilang sa kanya si Moron. At ito ay nangyari na, na si Moron ay nagharing kahalili niya; at ginawa ni Moron ang yaong masama sa harapan ng Panginoon.