At ito ay nangyari na, na si Coriantum ay sumunod sa mga yapak ng kanyang ama, at nagtayo ng maraming malalaking lunsod, at ipinamahala ang yaong makabubuti sa kanyang mga tao sa lahat ng kanyang mga araw. At ito ay nangyari na, na hindi siya nagkaroon ng anak, maging hanggang sa napakatanda na niya.
At ito ay nangyari na, na ang kanyang asawa ay namatay, na isandaan at dalawang taong gulang na. At ito ay nangyari na, na si Coriantum ay nag-asawa, sa kanyang katandaan, ng isang dalagita, at nagkaroon ng mga anak na lalaki’t babae; samakatwid siya ay nabuhay hanggang sa siya ay isandaan at apatnapu at dalawang taong gulang.
At ito ay nangyari na, na isinilang sa kanya si Com, at si Com ay nagharing kahalili niya; at siya ay naghari ng apatnapu at siyam na taon, at isinilang sa kanya si Het; at nagkaroon din siya ng iba pang mga anak na lalaki’t babae.
At ang tao ay kumalat muli sa ibabaw ng buong lupain, at muling nagsimulang magkaroon ng labis na kasamaan sa ibabaw ng lupain, at muling nagsimulang yakapin ni Het ang mga lihim na plano noong sinauna, upang mapatay ang kanyang ama. At iyo ay nangyari na, na naagawan niya ng trono ang kanyang ama, sapagkat kanya siyang pinatay ng sarili niyang espada; at naghari siyang kahalili niya.
At muling nagkaroon ng maraming propeta sa lupain, nangangaral ng pagsisisi sa kanila—na kailangan nilang ihanda ang landas ng Panginoon o magkakaroon ng isang sumpa sa ibabaw ng lupain; oo, maging sa magkakaroon ng masidhing taggutom, kung saan sila ay malilipol kung hindi sila magsisisi. Subalit hindi pinaniwalaan ng mga tao ang mga salita ng mga propeta, sa halip ay kanilang itinaboy sila; at ang ilan sa kanila ay itinapon nila sa malalim na hukay at iniwanan sila upang masawi. At ito ay nangyari na, na ginawa nila ang lahat ng bagay na ito alinsunod sa kautusan ng haring si Het.
At ito ay nangyari na, na nagsimulang magkaroon ng malawakang tagtuyot sa lupain, at ang mga naninirahan ay nagsimulang malipol nang napakabilis dahil sa tagtuyot, sapagkat walang ulan sa ibabaw ng lupain. At may naglabasan ding mga makamandag na ahas sa ibabaw ng lupain, at tinuklaw ang maraming tao. At ito ay nangyari na, na ang kanilang mga kawan ay nagsimulang magsitakas sa harapan ng mga makamandag na ahas, patungo sa lupaing katimugan, na tinatawag ng mga Nephita na Zarahemla. At ito ay nangyari na, na marami sa kanila ang nangasawi sa daanan; gayon pa man, may ilang nakatakas patungo sa lupaing katimugan.
At ito ay nangyari na, na pinapangyari ng Panginoon na hindi na sila tugisin pa ng mga ahas, kundi ang harangan nila ang daanan upang ang mga tao ay hindi makaraan, na ang sinumang magtangkang dumaan ay babagsak sa mga makamandag na ahas.
At ito ay nangyari na, na sinundan ng mga tao ang landas ng mga hayop, at nilamon ang mga patay sa kanila na bumagsak sa daanan, hanggang sa malamon na nila silang lahat.
Ngayon, nang makita ng mga tao na mangangasawi na sila ay nagsimula silang magsisi ng kanilang mga kasamaan at magsumamo sa Panginoon. At ito ay nangyari na, nang sapat na silang nagpakumbaba ng kanilang sarili sa harapan ng Panginoon na siya ay nagpadala ng ulan sa ibabaw ng lupain; at muling nagsimulang sumigla ang mga tao, at nagsimulang magkaroon ng bungang-kahoy sa mga hilagang bayan, at sa lahat ng bayan sa paligid. At ipinakita sa kanila ng Panginoon ang kanyang kapangyarihan sa pangangalaga sa kanila mula sa taggutom.