At ito ay nangyari na, na kinabukasan, nang ang maraming tao ay nagkakatipong magkakasama, ... at ito ay nangyari na, na sila [ang mga Disipulo] ay humayo at tumayo sa gitna ng maraming tao.
At masdan, ang mga tao ay lubhang napakarami kung kaya’t kanilang pinapangyari na sila ay hatiin sa labindalawang pangkat. At ang labindalawa ay nagturo sa maraming tao; at masdan, kanilang pinapangyari na ang maraming tao ay lumuhod sa lupa, at manalangin sa Ama sa pangalan ni Jesus. At ang mga disipulo ay nanalangin din sa Ama sa pangalan ni Jesus.
At ito ay nangyari na, na sila ay tumayo at naglingkod sa mga tao. At nang kanilang maipangaral ang mga gayon ding salita na winika ni Jesus—walang pagkakaiba sa mga salitang winika ni Jesus—masdan, muli silang lumuhod at nanalangin sa Ama sa pangalan ni Jesus. At sila ay nanalangin para roon sa kanilang higit na ninanais; at ninais nila na ang Espiritu Santo ay ipagkaloob sa kanila.
At nang sila ay makapanalangin nang gayon, sila ay bumaba sa gilid ng tubig, at ang maraming tao ay sumunod sa kanila. At ito ay nangyari na, na si Nephi ay bumaba sa tubig at bininyagan.
At siya ay umahon sa tubig at nagsimulang magbinyag. At kanyang bininyagan lahat ng yaong pinili ni Jesus.
At ito ay nangyari na, nang silang lahat ay mabinyagan at makaahon sa tubig, ang Espiritu Santo ay napasakanila, at sila ay napuspos ng Espiritu Santo at ng apoy.
At masdan, sila ay napaligiran ng sa wari’y apoy, at ito ay bumaba mula sa langit, at ang maraming tao ay nakasaksi rito, at nagpatotoo; at ang mga anghel ay bumaba mula sa langit at naglingkod sa kanila.