Ang Lupain ni Nephi

Ang Mga Unang Ministeryo ni Enos

Jacob 7:27

Si Jacob, nalalapit sa kanyang kamatayan, ay ipinasa ang mga talaan sa kanyang anak na si Enos, at nagbigay ng kanyang huling paalam.

At ako, si Jacob, ay nadamang malapit na akong bumaba sa aking libingan; kaya nga, sinabi ko sa aking anak na si Enos:

Kunin mo ang mga laminang ito.

At sinabi ko sa kanya ang mga bagay na iniutos sa akin ng aking kapatid na si Nephi, at nangako siyang susunod sa mga utos.

At tinatapos ko ang aking pagsusulat sa mga laminang ito, kung aling nasusulat ay kakaunti lamang; at nagpapaalam ako sa mambabasa, umaasa na marami sa aking mga kapatid ang makababasa ng aking mga salita. Mga kapatid, paalam.

Enos 1

Si Enos ay nagsalaysay ng isang espiritual na karanasan:

Masdan, ito ay nangyari na, na ako, si Enos, na nakakikilala sa aking ama na siya ay isang makatarungang tao— sapagkat tinuruan niya ako sa kanyang wika, at gayundin sa pag-aalaga at pagpapayo ng Panginoon—at purihin ang pangalan ng aking Diyos dahil dito. At sasabihin ko sa inyo ang pakikipagtunggaling aking ginawa sa harapan ng Diyos, bago ko natanggap ang kapatawaran ng aking mga kasalanan.

Enos 3

Si Enos ay nangangaso isang araw, nang ang mga turo ni Jacob ay sumagi sa kanyang isipan.

Masdan, ako ay humayo upang mangaso sa mga kagubatan; at ang mga salitang madalas kong marinig na sinasabi ng aking ama hinggil sa buhay na walang hanggan, at ang kagalakan ng mga banal, ay tumimo nang malalim sa aking puso.

Enos 3–4

Si Enos ay nagsimulang manalangin para sa kanyang kaluluwa; siya ay nanalangin nang buong araw at buong gabi.

At ang aking kaluluwa ay nagutom; at ako ay lumuhod sa harapan ng aking Lumikha, at ako ay nagsumamo sa kanya sa mataimtim na panalangin at hinaing para sa aking sariling kaluluwa; at sa buong araw ako ay nagsumamo sa kanya; oo, at nang dumating ang gabi ay inilakas ko pa ang aking tinig sa kaitaasan kung kaya’t iyon ay nakarating sa kalangitan.

Enos 5–6

Nakarinig si Enos ng tinig na nagsasabing ang kanyang mga kasalanan ay napatawad; Ang pagkakasala ni Enos ay nawala.

At doon ay nangusap ang isang tinig sa akin, sinasabing:

Enos, ang iyong mga kasalanan ay pinatatawad na, at ikaw ay pagpapalain.

At ako, si Enos, nalalaman na ang Diyos ay hindi makapagsisinungaling, kaya nga, ang aking pagkakasala ay napalis.

Enos 7–8

Ipinaliwanag ng tinig na ang pagpapatawad ay posible lamang dahil kay Jesukristo.

At aking sinabi:

Panginoon, paano ito nangyari?

At sinabi niya sa akin:

Dahil sa iyong pananampalataya kay Cristo, na hindi mo pa kailanman narinig o nakita. At maraming taon ang lilipas bago niya ipakikita ang kanyang sarili sa laman; samakatwid humayo ka, ang iyong pananampalataya ang nagpagaling sa iyo.

Enos 9

Nagpatuloy si Enos na manalangin para sa mga Nephita.

Ngayon, ito ay nangyari na, nang aking marinig ang mga salitang ito, ako ay nagsimulang makadama ng pagnanais para sa kapakanan ng aking mga kapatid, ang mga Nephita; kung kaya’t ibinuhos ko ang aking buong kaluluwa sa Diyos para sa kanila.

Enos 10

Ang mga Nephita ay pinangakuan ng mga pagpapala.

At samantalang ako ay nasa gayong pagpupunyagi sa espiritu, masdan, ang tinig ng Panginoon ay sumaisip kong muli, sinasabing:

Ako ay dadalaw sa iyong mga kapatid alinsunod sa kanilang pagsusumigasig sa pagsunod sa aking mga kautusan. Ibinigay ko sa kanila ang lupaing ito, at ito ay isang banal na lupain; at ito ay hindi ko isusumpa maliban sa kadahilanan ng kasamaan; anupa’t ako ay dadalaw sa iyong mga kapatid alinsunod sa aking sinabi; at ang kanilang mga kasalanan ay ipapataw ko nang may kalungkutan sa kanilang sariling mga ulo.

Enos 11

Si Enos, na may matatag na pananampalataya, ay nanalangin para sa mga Lamanita.

At matapos na ako, si Enos, ay marinig ang mga salitang ito, ang aking pananampalataya ay nagsimulang maging matatag sa Panginoon; at ako ay nanalangin sa kanya sa mahabang pagpupunyagi para sa aking mga kapatid, ang mga Lamanita.

Enos 12

Ang mga Lamanita rin ay pinangakuan ng mga pagpapala.

At ito ay nangyari na, na matapos na ako ay manalangin at nagpagal nang buong pagsusumigasig, ang Panginoon ay nagsabi sa akin:

Ipagkakaloob ko sa iyo
ang alinsunod sa iyong mga naisin,
dahil sa iyong pananampalataya.

Enos 13–14

Ninais ni Enos na ang talaan ng kanyang mga tao ay mapangalagaan kahit na sa kalagayan ng pagkalipol.

At ngayon, masdan, ito ang naising hiniling ko sa kanya— na kung mangyayari, na ang aking mga tao, ang mga Nephita, ay mahuhulog sa paglabag, at sa anumang paraan ay malipol, at ang mga Lamanita ay hindi malilipol, na ang Panginoong Diyos ay mangangalaga ng talaan ng aking mga tao, ang mga Nephita; maging ito man ay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng kanyang banal na bisig, nang ito ay madala sa mga darating na araw sa mga Lamanita, na baka sakali, sila ay madala sa kaligtasan—

Sapagkat sa kasalukuyan, ang aming pagpupunyaging mapanumbalik sila sa tunay na pananampalataya ay walang saysay. At sila ay sumumpa sa kanilang kapootan na kung maaari, wawasakin nila kami at ang aming mga talaan, at gayundin ang lahat ng kaugalian ng aming mga ama.

Enos 15–16

Ang Diyos ay nagkaloob ng ayon sa pananampalataya.

Samakatwid, ako, nalalamang mapangangalagaan ng Panginoong Diyos ang aming mga talaan, ako ay patuloy na nagsumamo sa kanya, sapagkat sinabi niya sa akin:

Ang anumang bagay na iyong hihingin nang may pananampalataya,
naniniwalang iyong tatanggapin
sa pangalan ni Cristo,
ito ay matatanggap mo.

At ako ay may pananampalataya, at ako ay nagsumamo sa Diyos na kanyang pangalagaan ang mga talaan, at siya ay nakipagtipan sa akin na kanya itong dadalhin sa mga Lamanita sa kanyang sariling takdang panahon.

Enos 17–18

Si Enos ay nagkaroon ng kaginhawaan.

At ako, si Enos, nalalamang ito ay alinsunod sa tipang kanyang ginawa; kaya nga, ang aking kaluluwa ay napayapa. At sinabi sa akin ng Panginoon:

Ang iyong mga ama ay humiling din sa akin ng bagay na ito; at ito ay mangyayari sa kanila alinsunod sa kanilang pananampalataya; sapagkat ang kanilang pananampalataya ay katulad din ng sa iyo.