At ito ay nangyari na, na kami ay bumaba sa lupaing aming mana, at sama-samang tinipon namin ang aming mga ginto, at ang aming mga pilak, at ang aming mahahalagang bagay. At matapos naming sama-samang matipon ang mga bagay na ito, kami ay umahon muli sa tahanan ni Laban.
At ito ay nangyari na, na kami ay pumasok patungo kay Laban, at hiniling sa kanyang ibigay niya sa amin ang mga talaang nakaukit sa mga laminang tanso, na bilang kapalit ay ibibigay namin sa kanya ang aming mga ginto, at ang aming mga pilak, at ang lahat ng aming mahalagang bagay.
At ito ay nangyari na, nang makita ni Laban ang aming ari-arian, at na iyon ay lubhang napakarami, pinagnasaan niya ang mga iyon, hanggang sa ipagtulakan niya kami palabas, at isinugo ang kanyang mga tagapagsilbi upang patayin kami, upang kanyang makuha ang aming ari-arian.
At ito ay nangyari na, na kami ay tumakas sa harapan ng mga tagapagsilbi ni Laban, at kami ay napilitang iwan ang aming ari-arian, at iyon ay nahulog sa mga kamay ni Laban. At ito ay nangyari na, na kami ay tumakas patungo sa ilang, at ang mga tagapagsilbi ni Laban ay hindi kami naabutan, at itinago namin ang sarili sa butas ng isang malaking bato.
At ito ay nangyari na, na si Laman ay nagalit sa akin, at gayon din sa aking ama; at gayon din si Lemuel, sapagkat siya ay nakinig sa mga salita ni Laman. Anupa’t sina Laman at Lemuel ay nangusap ng masasakit na salita sa amin, na kanilang mga nakababatang kapatid, at kami ay kanilang hinampas ng isang pamalo.
At ito ay nangyari na, na samantalang hinahampas nila kami ng pamalo, masdan, isang anghel ng Panginoon ang dumating at tumayo sa harapan nila, at siya ay nangusap sa kanila, sinasabing:
Bakit ninyo hinahampas ng pamalo ang inyong nakababatang kapatid? Hindi ba ninyo nalalaman na siya ay pinili ng Panginoon na maging pinuno ninyo, at ito ay dahil sa inyong mga kasamaan? Masdan, kayo ay muling aahon sa Jerusalem, at ibibigay ng Panginoon si Laban sa inyong mga kamay.
At matapos na ang anghel ay makapangusap sa amin, siya ay lumisan.
At matapos makalisan ang anghel, sina Laman at Lemuel ay muling nagsimulang bumulung-bulong, sinasabing:
Paano mangyayaring ibibigay ng Panginoon si Laban sa ating mga kamay? Masdan, siya ay isang makapangyarihang tao, at kaya niyang utusan ang limampu, oo, maging limampu ay kaya niyang patayin; tayo pa kaya ang hindi?