At ito ay nangyari na, na nangusap ang anghel sa akin, sinasabing:
Tingnan!
At tumingin ako at namasdan ang maraming bansa at kaharian. At sinabi ng anghel sa akin:
Ano ang namamasdan mo?
At aking sinabi:
Namamasdan ko ang maraming bansa at kaharian.
At sinabi niya sa akin:
Ito ang mga bansa
at kaharian ng mga Gentil.
At ito ay nangyari na, na nakita ko sa mga bansa ng mga Gentil ang pagbubuo ng isang makapangyarihang simbahan. At sinabi ng anghel sa akin:
Masdan ang pagbubuo ng isang simbahan na pinakakarumal-dumal sa lahat ng ibang simbahan, na pumapatay sa mga banal ng Diyos, oo, at nagpapahirap sa kanila at nanggagapos sa kanila, at siningkawan sila ng singkaw na bakal, at hinihila sila tungo sa pagkabihag.
At ito ay nangyari na, na namasdan ko itong makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan; at nakita ko ang diyablo na siya ang nagtatag nito.
At nakakita rin ako ng ginto, at pilak, at mga sutla, at matitingkad na pula, at maiinam na hinabing lino, at lahat ng uri ng mamahaling kasuotan; at nakakita ako ng maraming patutot. At nangusap ang anghel sa akin, sinasabing:
Masdan, ang ginto, at ang pilak, at ang mga sutla, at ang matitingkad na pula, at ang maiinam na hinabing lino, at ang mamahaling kasuotan, at ang mga patutot, ang mga naisin ng makapangyarihan at karumal-dumal na simbahang ito. At dahil din sa papuri ng sanlibutan ay kanilang nililipol ang mga banal ng Diyos, at hinihila sila tungo sa pagkabihag.