At ngayon masdan, tulad ng sinabi ko hinggil sa mga yaong pinili ng Panginoon, oo, maging ang tatlong dinala sa kalangitan, na hindi ko alam kung sila ay nalinis mula sa pagiging may kamatayan tungo sa kawalang-kamatayan— Ngunit masdan, mula nang ako ay sumulat, ako ay nagtanong sa Panginoon, at kanyang ipinaalam sa akin na kinakailangang may gawing pagbabago sa kanilang mga katawan, o kung hindi, kinakailangan na sila ay makatikim ng kamatayan;
Anupa’t upang hindi sila makatikim ng kamatayan ay may ginawang pagbabago sa kanilang mga katawan, upang huwag silang magdanas ng kirot o kalungkutan maliban sa mga kasalanan ng sanlibutan.
Ngayon, ang pagbabagong ito ay hindi kapantay ng yaong mangyayari sa huling araw; ngunit may pagbabagong ginawa sa kanila, kaya nga’t si Satanas ay hindi magkakaroon ng kapangyarihan sa kanila, na hindi niya sila matutukso; at sila ay ginawang banal sa laman, kaya nga sila ay mga banal, at ang mga may kapangyarihan sa lupa ay hindi makapipigil sa kanila. At sa ganitong kalagayan sila ay mamamalagi hanggang sa araw ng paghuhukom ni Cristo; at sa araw na yaon, sila ay tatanggap ng higit na malaking pagbabago, at tatanggapin sa kaharian ng Ama, upang hindi na lumabas pa, kundi mananahanan kasama ng Diyos magpasawalang hanggan sa kalangitan.