Pinaikli ni Mormon ang Mga Talaan ng Mga Nephita

Mga Tala ni Mormon Tungkol sa Katuparan ng mga Propesiya

3 Nephi 10:14

Si Mormon ay sumulat tungkol sa isang kakila-kilabot na bagyo na nanalanta bago ang pagdating ni Cristo (na iprinopesiya ni Samuel), nagsumamo siya sa mga mambabasa na saliksikin ang mga banal na kasulatan, at maging maalam sa mga propesiya na naroroon, sapagkat sila rin ay maisasakatuparan.

At ngayon, kung sinuman ang nagbabasa, unawain niya; siya na may mga banal na kasulatan, saliksikin niya ang mga ito, at mababasa at mapagmasdan kung ang lahat ng kamatayang ito at pagkawasak sa pamamagitan ng apoy, at sa pamamagitan ng usok, at sa pamamagitan ng mga bagyo, at sa pamamagitan ng mga buhawi, at sa pamamagitan ng pagbubukas ng lupa upang tanggapin sila, at ang lahat ng bagay na ito ay hindi tungo sa katuparan ng mga propesiya ng marami sa mga banal na propeta.

3 Nephi 10:15

Ang mga propesiya at mga patotoo sa mga banal na kasulatan ay nagkakahalaga ng mga buhay ng maraming tao.

Masdan, sinasabi ko sa inyo, Oo, marami ang nagpatotoo sa mga bagay na ito na tungkol sa pagparito ni Cristo, at pinatay dahil sa sila ay nagpatotoo sa mga bagay na ito.

3 Nephi 10:16

Si Zenos at Zenok ay kabilang sa mga yaong nagpropesiya at nagpatotoo.

Oo, ang propetang si Zenos ay nagpatotoo sa mga bagay na ito, at si Zenok ay nangusap din hinggil sa mga bagay na ito, dahil sa sila ay nagpatotoo lalung-lalo na hinggil sa atin, na mga labi ng kanilang mga binhi.

3 Nephi 10:17

Si Jacob (kapatid ni Nephi) ay sumulat tungkol sa binhi ni Jose, na binabanggit sa mga laminang tanso.

Masdan, ang ating amang si Jacob ay nagpatotoo rin hinggil sa mga labi ng mga binhi ni Jose. At masdan, hindi ba’t tayo ay mga labi ng mga binhi ni Jose? At ang mga bagay na ito na nagpapatotoo sa atin, hindi ba’t ang mga ito ay nasusulat sa mga laminang tanso na dinala ng ating amang si Lehi mula sa Jerusalem?

3 Nephi 10:18–19

Inihahanda ni Mormon ang kanyang mga tagabasa para sa isang maluwalhating pagpapala sa mga tao na pinagpakitaan ni Jesukristo.

At ito ay nangyari na, na sa pagtatapos ng ikatatlumpu at apat na taon, masdan, ipakikita ko sa inyo na ang mga tao ni Nephi na mga naligtas, at ang mga yaon ding dating tinatawag na mga Lamanita, na mga naligtas, ay nagkaroon ng maraming kasihan na ipinakita sa kanila, at dakilang pagpapala ang ibinuhos sa kanilang mga ulo, kung kaya nga’t pagkatapos na pagkatapos ng pag-akyat ni Cristo sa langit ay tunay niyang ipinakita ang kanyang sarili sa kanila— Ipinakita ang kanyang katawan sa kanila, at nangangaral sa kanila; at ang ulat ng kanyang ministeryo ay ibibigay pagkaraan nito. Anupa’t sa oras na ito ay tinatapos ko ang aking mga pangungusap.