At sa gayon natin mamamasdan kung gaano kahuwad, at gayon din ang kahinaan ng mga puso ng mga anak ng tao; oo, nakikita natin na ang Panginoon sa kanyang walang hanggang kabutihan ay pinagpapala at pinananagana ang mga yaong nagtitiwala sa kanya.
Oo, at makikita natin sa panahon ding yaon kung kailan niya pinananagana ang kanyang mga tao, oo, sa pag-unlad ng kanilang mga bukirin, ng kanilang mga kawan ng tupa at kanilang mga bakahan, at sa ginto, at sa pilak, at sa lahat ng uri ng mahahalagang bagay ng bawat uri at kasanayan; pinangangalagaan ang kanilang mga buhay, at inililigtas sila mula sa mga kamay ng kanilang mga kaaway; pinalalambot ang mga puso ng kanilang mga kaaway upang hindi sila makidigma laban sa kanila; oo, at sa madaling salita, ginagawa ang lahat ng bagay para sa kapakanan at kaligayahan ng kanyang mga tao; oo, yaon ang panahong pinatitigas nila ang kanilang mga puso, at kinalilimutan ang Panginoon nilang Diyos, at niyuyurakan sa ilalim ng kanilang mga paa ang Banal—oo, at dahil ito sa kanilang kaginhawaan, at kanilang labis na kasaganaan.
At sa gayon nakikita natin na maliban kung parurusahan ng Panginoon ang kanyang mga tao sa pamamagitan ng maraming pagdurusa, oo, maliban kung kanyang parurusahan sila sa pamamagitan ng kamatayan at sa pamamagitan ng sindak, at sa pamamagitan ng taggutom at sa pamamagitan ng lahat ng uri ng salot, ay hindi nila siya maaalaala.
O kayhangal, at kaypalalo, at kaysama, at mala-diyablo, at kaybilis gumawa ng masama, at kaybagal gumawa ng mabuti, ang mga anak ng tao; oo, kaybilis makinig sa mga salita ng yaong masama, at inilalagak ang kanilang mga puso sa mga walang kabuluhang bagay ng daigdig!
Oo, kaybilis maiangat sa kapalaluan; oo, kaybilis magmalaki, at gumawa ng lahat ng uri ng yaong masama; at kaybagal nila sa pag-alaala sa Panginoon nilang Diyos, at pakinggan ang kanyang mga payo, oo, kaybagal lumakad sa mga landas ng karunungan!
Masdan, hindi nila nais na ang Panginoon nilang Diyos, na siyang lumikha sa kanila, ang mamuno at mamahala sa kanila; sa kabila ng kanyang dakilang kabutihan at kanyang awa sa kanila, winawalang-saysay nila ang kanyang mga payo, at tumanggi sila na siya ang kanilang maging gabay.