At ngayon, ako, si Moroni, ay mangungusap nang bahagya hinggil sa mga bagay na ito; ipakikita ko sa sanlibutan na ang pananampalataya ay mga bagay na inaasahan at hindi nakikita; kaya nga, huwag magtalu-talo dahil sa hindi ninyo nakikita, sapagkat wala kayong matatanggap na patunay hangga’t hindi natatapos ang pagsubok sa inyong pananampalataya.
Sapagkat sa pamamagitan ng pananampalataya ay ipinakita ni Cristo ang kanyang sarili sa ating mga ama, matapos siyang bumangon mula sa patay; at hindi niya ipinakita ang kanyang sarili sa kanila hanggang sa nagkaroon muna sila ng pananampalataya sa kanya; anupa’t kinakailangan na may pananampalataya sa kanya ang ilan, sapagkat hindi niya ipakikita ang kanyang sarili sa sanlibutan.
Subalit dahil sa pananampalataya ng mga tao ay ipinakita niya ang kanyang sarili sa sanlibutan, at niluwalhati ang pangalan ng Ama, at naghanda ng daan nang sa gayon ang iba ay maaaring maging kabahagi sa makalangit na handog, upang sila ay umaasa sa mga yaong bagay na hindi nila nakikita. Kaya nga,maaari rin kayong magkaroon ng pag-asa, at maging kabahagi ng handog, kung kayo ay magkakaroon lamang ng pananampalataya.
Masdan sa pamamagitan ng pananampalataya silang mga sinauna ay tinawag alinsunod sa banal na orden ng Diyos. Anupa’t sa pamamagitan ng pananampalataya ang mga batas ni Moises ay ibinigay. Subalit sa paghahandog ng kanyang Anak, ang Diyos ay naghanda ng higit na mabuting paraan; at sa pamamagitan ng pananampalataya kung kaya’t ito ay naisakatuparan. Sapagkat kung walang pananampalataya sa mga anak ng tao, ang Diyos ay hindi makagagawa ng himala sa kanila; anupa’t hindi niya ipinakita ang kanyang sarili hanggang sa sila muna ay nagkaroon ng pananampalataya.
Masdan, ang pananampalataya nina Alma at Amulek ang dahilan ng pagguho ng bilangguan sa lupa. Masdan, ang pananampalataya nina Nephi at Lehi ang gumawa ng pagbabago sa mga Lamanita, kung kaya’t sila ay nabinyagan ng apoy at ng Espiritu Santo. Masdan, ang pananampalataya ni Ammon at ng kanyang mga kapatid ang gumawa ng napakalaking himala sa mga Lamanita. Oo, at maging silang lahat na gumawa ng mga himala ay nagawa ang mga ito sa pamamagitan ng pananampalataya, maging ang mga yaong nauna kay Cristo at gayon din ang mga yaong sumunod.
At sa pamamagitan ng pananampalataya ang tatlong disipulo ay nagtamo ng isang pangako na hindi sila makatitikim ng kamatayan; at hindi nila natamo ang pangako hanggang sa nagkaroon muna sila ng pananampalataya. At ni hindi kailanman nakagawa ang sinuman ng mga himala hanggang sa sila muna ay nagkaroon ng pananampalataya; anupa’t sila ay unang naniwala sa Anak ng Diyos.
At marami na ang pananampalataya ay napakalakas, maging bago pa pumarito si Cristo, na hindi maaaring pagbawalan mula sa loob ng tabing, kundi tunay na namalas ng kanilang mga mata ang mga bagay na namasdan nila sa pamamagitan ng mata ng pananampalataya, at sila ay nagalak.
At masdan, nakita natin sa talaang ito na isa sa kanila ang kapatid ni Jared; sapagkat napakalaki ng kanyang pananampalataya sa Diyos, kung kaya’t nang iunat ng Diyos ang kanyang daliri ay hindi niya ito nagawang itago mula sa paningin ng kapatid ni Jared, dahil sa kanyang salita na sinabi niya sa kanya, kung aling salita ay natamo niya sa pamamagitan ng pananampalataya.
At matapos mamasdan ng kapatid ni Jared ang daliri ng Panginoon, dahil sa pangakong natamo ng kapatid ni Jared sa pamamagitan ng pananampalataya, ay hindi nagawang ipagkait ng Panginoon ang alinmang bagay mula sa kanyang paningin; kaya nga, ipinakita niya sa kanya ang lahat ng bagay, sapagkat hindi na siya mapagbabawalan pa sa labas ng tabing.
At sa pamamamagitan ng pananampalataya ay natamo ng aking mga ama ang pangako na ipahahayag ang mga bagay na ito sa kanilang mga kapatid sa pamamagitan ng mga Gentil; kaya nga, ako ay inutusan ng Panginoon, oo, maging ni Jesucristo.