At marami na ang pananampalataya ay napakalakas, maging bago pa pumarito si Cristo, na hindi maaaring pagbawalan mula sa loob ng tabing, kundi tunay na namalas ng kanilang mga mata ang mga bagay na namasdan nila sa pamamagitan ng mata ng pananampalataya, at sila ay nagalak.
At masdan, nakita natin sa talaang ito na isa sa kanila ang kapatid ni Jared; sapagkat napakalaki ng kanyang pananampalataya sa Diyos, kung kaya’t nang iunat ng Diyos ang kanyang daliri ay hindi niya ito nagawang itago mula sa paningin ng kapatid ni Jared, dahil sa kanyang salita na sinabi niya sa kanya, kung aling salita ay natamo niya sa pamamagitan ng pananampalataya.
At matapos mamasdan ng kapatid ni Jared ang daliri ng Panginoon, dahil sa pangakong natamo ng kapatid ni Jared sa pamamagitan ng pananampalataya, ay hindi nagawang ipagkait ng Panginoon ang alinmang bagay mula sa kanyang paningin; kaya nga, ipinakita niya sa kanya ang lahat ng bagay, sapagkat hindi na siya mapagbabawalan pa sa labas ng tabing.