At sinabi ko sa kanya:
Panginoon, kukutyain ng mga Gentil ang mga bagay na ito, dahil sa aming kahinaan sa pagsusulat; sapagkat Panginoon, ginawa ninyo kaming mahusay sa pananalita sa pamamagitan ng pananampalataya, subalit hindi ninyo kami ginawang mahusay sa pagsusulat; sapagkat ginawa ninyo na ang lahat ng taong ito ay makapangusap nang labis, dahil sa Espiritu Santo na ipinagkaloob ninyo sa kanila.
At ginawa ninyo na kami ay makapagsulat lamang ng kakaunti, dahil sa pagkasaliwa ng aming mga kamay. Masdan, hindi ninyo kami ginawang mahusay sa pagsusulat na tulad ng kapatid ni Jared, sapagkat ginawa ninyong dakila ang mga bagay na kanyang isinulat maging tulad ninyo, tungo sa pagkadaig ng tao sa pagbabasa ng mga ito. Ginawa rin ninyong makapangyarihan at dakila ang aming mga salita, maging sa hindi namin maisulat ang mga ito; kaya nga, kapag kami ay magsusulat namamasdan namin ang aming kahinaan, at natititsod dahil sa pagsasaayos ng aming mga salita; at ako ay natatakot na baka kutyain ng mga Gentil ang aming mga salita.
At nang sabihin ko ito, ang Panginoon ay nangusap sa akin, sinasabing:
Ang mga hangal ay nangungutya, subalit sila ay magdadalamhati; at ang aking biyaya ay sapat para sa maamo, na hindi sila magsasamantala sa inyong kahinaan; At kung ang mga tao ay lalapit sa akin ay ipakikita ko sa kanila ang kanilang kahinaan.
Ako ay nagbibigay ng kahinaan sa mga tao upang sila ay magpakumbaba; at ang aking biyaya ay sapat para sa lahat ng taong magpapakumbaba ng kanilang sarili sa aking harapan; sapagkat kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa aking harapan, at magkakaroon ng pananampalataya sa akin, sa gayon gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila.
Masdan, ipakikita ko sa mga Gentil ang kanilang kahinaan, at ipakikita ko sa kanila na ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa-tao ay nagdadala sa akin—ng bukal ng lahat ng kabutihan.
At ako, si Moroni, matapos na marinig ang mga salitang ito, ay naaliw, at nagsabi:
O Panginoon, ang inyong mabuting kalooban ay matutupad, sapagkat nalalaman ko na gumagawa kayo sa mga anak ng tao alinsunod sa kanilang pananampalataya; Sapagkat sinabi ng kapatid ni Jared sa bundok ng Zerin, Kilos—at ito ay kumilos. At kung siya ay walang pananampalataya hindi sana ito natinag; samakatwid dito, kayo ay gumagawa matapos magkaroon ng pananampalataya ang mga tao.
Sapagkat sa gayon ninyo ipinakita ang inyong sarili sa inyong mga disipulo; sapagkat matapos silang magkaroon ng pananampalataya, at mangusap sa inyong pangalan, ay ipinakita ninyo ang inyong sarili sa kanila sa dakilang kapangyarihan.
At natatandaan ko ring sinabi ninyo na naghanda kayo ng tahanan para sa tao, oo, maging sa mga mansiyon ng inyong Ama, kung saan ang tao ay maaaring magkaroon ng higit na mainam na pag-asa; kaya nga, kinakailangang umasa ang tao, o hindi siya maaaring makatanggap ng mana sa lugar na inyong inihanda.
At muli, natatandaan kong sinabi ninyo na iniibig ninyo ang sanlibutan, maging hanggang sa paghahain ng inyong buhay para sa sanlibutan, nang muli ninyo itong makuha upang maghanda ng lugar para sa mga anak ng tao.
At ngayon nalalaman ko na ang pag-ibig na ito na inyong taglay para sa mga anak ng tao ay pag-ibig sa kapwa; anupa’t maliban kung magkaroon ng pag-ibig sa kapwa ang tao ay hindi nila mamamana ang lugar na yaon na inyong inihanda sa mga mansiyon ng inyong Ama.
Kaya nga, nalalaman ko sa pamamagitan ng bagay na ito na inyong sinabi, na kung walang pag-ibig sa kapwa-tao ang mga Gentil, dahil sa aming kahinaan, ay inyong susubukin sila, at kukunin ang kanilang talento, oo, maging ang mga yaong natanggap nila, at ipagkakaloob sa kanila na tatanggap nang higit na masagana.
At ito ay nangyari na, na ako ay nanalangin sa Panginoon na biyayaan niya ang mga Gentil, upang sila ay magkaroon ng pag-ibig sa kapwa-tao.
At ito ay nangyari na, na sinabi sa akin ng Panginoon:
Kung wala silang pag-ibig sa kapwa-tao ay hindi na ito mahalaga sa iyo,
ikaw ay naging matapat;
kaya nga, ang iyong mga kasuotan ay gagawing malinis.At dahil sa kinilala mo ang iyong kahinaan
ikaw ay gagawing malakas,
maging hanggang sa pag-upo sa lugar
na inihanda ko sa mga mansiyon ng aking Ama.
At ngayon ako, si Moroni, ay nagpapaalam sa mga Gentil, oo, at gayon din sa aking mga kapatid na minamahal ko, hanggang sa muli tayong magkita sa harapan ng hukumang-luklukan ni Cristo, kung saan malalaman ng lahat ng tao na hindi nabahiran ng inyong dugo ang aking mga kasuotan. At doon malalaman ninyo na nakita ko si Jesus, at na nakipag-usap siya sa akin nang harap-harapan, at na sinabi niya sa akin sa malinaw na pagpapakumbaba, maging tulad ng isang tao na nagsasalaysay sa iba sa aking sariling wika, hinggil sa mga bagay na ito; At kakaunti lamang ang naisulat ko, dahil sa aking kahinaan sa pagsusulat.
At ngayon, ipinapayo ko sa inyo na hanapin ang Jesus na ito na siyang isinulat ng mga propeta at apostol, upang ang biyaya ng Diyos Ama, at gayon din ng Panginoong Jesucristo, at ng Espiritu Santo, na siyang nagpapatotoo sa kanila, ay maaari at manatili sa inyo magpakailanman. Amen