At ako, si Moroni, matapos na marinig ang mga salitang ito, ay naaliw, at nagsabi:
O Panginoon, ang inyong mabuting kalooban ay matutupad, sapagkat nalalaman ko na gumagawa kayo sa mga anak ng tao alinsunod sa kanilang pananampalataya; Sapagkat sinabi ng kapatid ni Jared sa bundok ng Zerin, Kilos—at ito ay kumilos. At kung siya ay walang pananampalataya hindi sana ito natinag; samakatwid dito, kayo ay gumagawa matapos magkaroon ng pananampalataya ang mga tao.
Sapagkat sa gayon ninyo ipinakita ang inyong sarili sa inyong mga disipulo; sapagkat matapos silang magkaroon ng pananampalataya, at mangusap sa inyong pangalan, ay ipinakita ninyo ang inyong sarili sa kanila sa dakilang kapangyarihan.
At natatandaan ko ring sinabi ninyo na naghanda kayo ng tahanan para sa tao, oo, maging sa mga mansiyon ng inyong Ama, kung saan ang tao ay maaaring magkaroon ng higit na mainam na pag-asa; kaya nga, kinakailangang umasa ang tao, o hindi siya maaaring makatanggap ng mana sa lugar na inyong inihanda.
At muli, natatandaan kong sinabi ninyo na iniibig ninyo ang sanlibutan, maging hanggang sa paghahain ng inyong buhay para sa sanlibutan, nang muli ninyo itong makuha upang maghanda ng lugar para sa mga anak ng tao.
At ngayon nalalaman ko na ang pag-ibig na ito na inyong taglay para sa mga anak ng tao ay pag-ibig sa kapwa; anupa’t maliban kung magkaroon ng pag-ibig sa kapwa ang tao ay hindi nila mamamana ang lugar na yaon na inyong inihanda sa mga mansiyon ng inyong Ama.
Kaya nga, nalalaman ko sa pamamagitan ng bagay na ito na inyong sinabi, na kung walang pag-ibig sa kapwa-tao ang mga Gentil, dahil sa aming kahinaan, ay inyong susubukin sila, at kukunin ang kanilang talento, oo, maging ang mga yaong natanggap nila, at ipagkakaloob sa kanila na tatanggap nang higit na masagana.