Tinapos ni Moroni ang Aklat ni Mormon

Mga Salita ni Moroni sa mga Mambabasa

Moroni 10:1

Si Moroni ay sumulat para sa mga Lamanita, 420 na mga taon mula sa kapanganakan ni Cristo.

Ngayon ako, si Moroni, ay sumusulat kahit paano nang inaakala kong makabubuti; at ako ay sumusulat sa aking mga kapatid, ang mga Lamanita; at nais kong kanilang malaman na mahigit na apat na raan at dalawampung taon na ang lumipas magmula nang ibigay ang palatandaan ng pagparito ni Cristo.

Moroni 10:3

Hiniling ni Moroni sa mga makababasa na alalahanin at pagbulay-bulayin ang mga awa ng Panginoon.

Masdan, nais kong ipayo sa inyo na kung inyong mababasa ang mga bagay na ito, kung karunungan sa Diyos na mabasa ninyo ang mga yaon, na inyong maalaala kung paano naging maawain ang Panginoon sa mga anak ng tao, mula sa paglikha kay Adan, maging hanggang sa panahong inyong matanggap ang mga bagay na ito, at pagbulay-bulayin ang mga yaon sa inyong mga puso.

Moroni 10:4–5

Pinayuhan ni Moroni ang mga mambabasa na magtanong sa Diyos hinggil sa katotohanan ng mga bagay na ito, ipinaliliwanag na ang kapangyarihan ng Espiritu Santo ay darating sa mga yaong magtatanong ng may matapat na puso at pananampalataya kay Cristo.

At kapag inyong matanggap ang mga bagay na ito,
ipinapayo ko sa inyo na itanong ninyo sa Diyos,
ang Amang Walang Hanggan,
sa pangalan ni Cristo,
kung ang mga bagay na ito ay hindi totoo;

At kung kayo ay magtatanong nang may matapat na puso,
na may tunay na layunin,na may pananampalataya kay Cristo,
kanyang ipaaalam ang katotohanan nito sa inyo,
sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.

At sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo,
malalaman ninyo ang katotohanan ng lahat ng bagay.

Moroni 10:6–7

Huwag itatwa ang kapangyarihan ng Diyos, subalit sa halip ay kilalanin si Cristo, at ang kabutihan na dumadaloy mula sa kanya.

At ano mang bagay na mabuti ay matwid at totoo; anupa’t walang mabuting magtatatwa kay Cristo, kundi kikilalanin na yaon siya. At inyong makikilala na siya nga yaon, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo; kaya nga, nais kong payuhan kayo na huwag ninyong itatatwa ang kapangyarihan ng Diyos; sapagkat siya ay gumagawa sa pamamagitan ng kapangyarihan, alinsunod sa pananampalataya ng mga anak ng tao, siya rin ang ngayon, at bukas, at magpakailanman.

Moroni 10:8

Ang espiritu ng Diyos ay kumikilos sa maraming magkakaibang pamamaraan, dinadala ang kanyang mga kaloob sa sangkatauhan para sa kanilang kapakinabangan.

At muli, ipinapayo ko sa inyo, mga kapatid ko, na huwag ninyong itatatwa ang mga kaloob ng Diyos, sapagkat ang mga yaon ay marami; at ang mga yaon ay nanggagaling sa yaon ding Diyos. At maraming iba’t ibang paraan na ang mga kaloob na ito ay pinamamahalaan; ngunit ng yaon ding Diyos na siyang gumagawa ng lahat-lahat; at yaon ay ibinibigay sa pamamagitan ng mga paghahayag ng Espiritu ng Diyos sa tao, sa kapakinabangan nila.

Moroni 10:9–17

Ang kaloob ng Espiritu ay kinabibilangan ng pagtuturo, karunungan, kaalaman, pananampalataya, pagpapagaling, himala, propesiya, pagbisita ng mga anghel, mga wika, at pagpapaliwanag—lahat ng mga ito ay nagmula kay Cristo.

Sapagkat masdan, sa isa ay ibinibigay sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos,
na kanyang maituro ang salita ng karunungan.
ang salita ng kaalaman sa pamamagitan ng Espiritu ring yaon;

At sa isa, napakalaking pananampalataya;
at sa iba, ang mga kaloob na pagpapagaling sa pamamagitan ng Espiritu ring yaon.
at muli, sa iba, na siya ay makagawa ng mga makapangyarihang himala;
at muli, sa iba, na siya ay makapagpropesiya hinggil sa lahat ng bagay;

At muli sa iba,
ang makakita ng mga anghel at ng naglilingkod na mga espiritu;
At muli, sa iba, lahat ng uri ng wika;

At muli, sa iba, ang pagpapaliwanag ng mga salita
at iba’t ibang uri ng mga wika.

At ang lahat ng kaloob na ito ay ipinagkakaloob ng Espiritu ni Cristo;
at ang mga yaon ay ipinagkakaloob nang kani-kanya sa bawat tao alinsunod sa kanyang kalooban.

Moroni 10:18–19

Alalahanin na ang bawat mabubuting kaloob ay nagmumula kay Cristo, na siyang hindi nagbabago at walang hanggan.

At nais kong payuhan kayo, mga minamahal kong kapatid,
na inyong pakatandaan na ang bawat mabuting kaloob ay nagmumula kay Cristo.

At nais kong payuhan kayo, mga minamahal kong kapatid, na inyong tandaan
na siya rin ang kahapon, ngayon, at magpakailanman,
at na ang lahat ng kaloob na aking winika
na pawang espirituwal ay hindi kailanman mapatitigil
maging hanggang sa ang mundo ay nakatindig,
tanging alinsunod lamang sa kawalang-paniniwala ng mga anak ng tao.

Moroni 10:20

Ang pananampalataya, pag-asa at pag-ibig sa kapwa tao ay magkakaugnay-ugnay.

Kaya nga, kailangang magkaroon ng pananampalataya;
at kung may pananampalataya ay kinakailangang may pag-asa rin;
at kung may pag-asa ay kinakailangang may pag-ibig sa kapwa-tao rin.

Moroni 10:21

Ang pag-ibig sa kapwa tao ay mahalaga para sa kaligtasan, at sa gayon ang pananampalatay at pag-asa ay kinakailangan din.

At maliban kung mayroon kayong pag-ibig sa kapwa-tao,
kayo ay hindi maaaring maligtas sa kaharian ng Diyos;
ni kayo ay maliligtas sa kaharian ng Diyos kung kayo ay walang pananampalataya;
ni kayo ay maliligtas kung kayo ay walang pag-asa.

Moroni 10:22–23

Ang kawalan ng pag-asa ay nagdadala ng kabiguan, na kung saan ay taliwas sa mga kautusan ni Cristo.

At kung kayo ay walang pag-asa kayo ay talagang nasa kabiguan;
at ang kabiguan ay dumarating dahil sa kasamaan.

At tunay na sinabi ni Cristo sa ating mga ama:

Kung kayo ay may pananampalataya, magagawa ninyo ang lahat ng bagay
na kapaki-pakinabang sa akin.