Samakatwid, sa aba niya na pabaya sa Sion!
Sa aba niya na sumisigaw nang: Mainam ang lahat!
Oo, sa aba niya
na nakikinig sa mga tuntunin ng tao,
at nagtatatwa sa kapangyarihan ng Diyos,
at sa kaloob na Espiritu Santo!
Oo, sa aba niya na nagsasabing:
Nakatanggap na kami, at hindi na kami nangangailangan pa ng dagdag!
At sa lalong maliwanag, sa aba sa lahat ng yaong nanginginig,
at nagagalit dahil sa katotohanan ng Diyos!
Sapagkat masdan, siya na nakatayo sa malaking bato
ay tumatanggap nito nang may kagalakan;
at siya na nakatayo sa saligang buhangin
ay nanginginig na baka sila mabuwal.
Sa aba niya na nagsasabing:
Natanggap na namin ang salita ng Diyos,
at hindi na namin kailangan pa ng salita ng Diyos,
sapagkat sapat na ang kaalaman namin!
Sapagkat masdan, ganito ang wika ng Panginoong Diyos:
Magbibigay ako sa mga anak ng tao ng taludtod sa taludtod, ng tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon; at pinagpala ang mga yaong nakikinig sa aking mga tuntunin, at ipahiram ang tainga sa aking mga payo, sapagkat matututo sila ng karunungan; sapagkat siya na tumatanggap ay bibigyan ko pa ng karagdagan; at mula sa kanila na nagsasabing mayroon na kaming sapat, mula sa kanila ay kukunin maging ang mga yaong mayroon sila.
Sumpain siya na nagtitiwala sa tao, o inaaring lakas ang laman, o makikinig sa mga tuntunin ng tao, maliban kung ibinigay ang kanilang mga tuntunin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Sa aba sa mga Gentil, wika ng Panginoong Diyos ng mga Hukbo! Sapagkat kahit na laging nakaunat sa kanila ang aking bisig sa araw-araw, ay itatatwa nila ako; gayon pa man, magiging maawain ako sa kanila, wika ng Panginoong Diyos, kung magsisisi sila at lalapit sa akin; sapagkat nakaunat ang aking bisig sa buong maghapon, wika ng Panginoong Diyos ng mga Hukbo.