Sapagkat ang kaharian ng diyablo ay tiyak na mayayanig, at sila na nabibilang dito ay talagang kinakailangang pukawin sa pagsisisi, o hahawakan sila ng diyablo sa pamamagitan ng kanyang mga walang hanggang tanikala, at pupukawin sila sa pagkagalit, at masasawi; Sapagkat masdan, sa araw na yaon ay sasalantahin niya ang puso ng mga anak ng tao, at pupukawin sila na magalit laban sa yaong bagay na mabuti.
At gagawin niyang payapa ang iba, at dahan-dahan silang aakayin tungo sa mahalay na katiwasayan, na kanilang sasabihin:
Mainam ang lahat sa Sion;
oo, umuunlad ang Sion,
mainam ang lahat.
at sa gayon lilinlangin ng diyablo ang kanilang mga kaluluwa, at maingat silang aakayin pababa sa impiyerno. At masdan, pupurihin niya nang labis-labis ang iba, at sasabihin sa kanila na walang impiyerno; at sasabihin niya sa kanila:
Hindi ako diyablo, sapagkat walang diyablo!
At ganito ang ibinubulong niya sa kanilang mga tainga, hanggang sa kanyang mahawakan sila ng kanyang mga kakila-kilabot na tanikala, na kung saan ay walang kawala.
Oo, nahawakan sila ng kamatayan, at impiyerno; at ang kamatayan, at ang impiyerno, at ang diyablo, at lahat ng yaong nahawakan niyon ay tiyak na tatayo sa harapan ng trono ng Diyos, at hahatulan alinsunod sa kanilang mga gawa, kung saan sila ay patutungo sa dakong inihanda para sa kanila, maging sa lawa ng apoy at asupre, na walang hanggang pagdurusa.