Ngayon, ako, si Nephi, ay nagsasalita nang bahagya hinggil sa mga salitang aking isinulat, na namutawi sa bibig ni Isaias. Sapagkat masdan, nangusap si Isaias ng maraming bagay na mahirap maunawaan ng marami sa aking mga tao; sapagkat hindi nila nalalaman ang hinggil sa paraan ng pagpopropesiya sa mga Judio.
Sapagkat ako, si Nephi, ay hindi nagturo sa kanila ng maraming bagay hinggil sa pamamaraan ng mga Judio; sapagkat ang kanilang mga gawain ay gawain ng kadiliman, at ang kanilang mga gawi ay mga gawing karumal-dumal. Dahil dito, sumusulat ako sa aking mga tao, sa lahat ng yaong makatatanggap ng mga bagay na ito na aking isinusulat, upang malaman nila ang paghuhukom ng Diyos, na sasapit sa lahat ng bansa, alinsunod sa salitang kanyang sinabi.
Dahil dito, makinig, O aking mga tao, na nabibilang sa sambahayan ni Israel, at pakinggan ang aking mga salita; sapagkat hindi malinaw sa inyo ang mga salita ni Isaias, gayon pa man malinaw ang mga yaon sa lahat ng yaong puspos ng diwa ng propesiya.
Subalit magbibigay ako sa inyo ng isang propesiya, alinsunod sa espiritu na nasa akin; dahil dito magpopropesiya ako alinsunod sa kalinawan na nasa akin mula sa panahong ako ay lumisan sa Jerusalem na kasama ng aking ama; sapagkat masdan, ang aking kaluluwa ay nalulugod sa kalinawan para sa aking mga tao, upang matuto sila.
Oo, at ang aking kaluluwa ay nalulugod sa mga salita ni Isaias, sapagkat ako ay nagmula sa Jerusalem, at namasdan ng aking mga mata ang mga bagay ng mga Judio, at alam kong nauunawaan ng mga Judio ang mga ipinahayag ng mga propeta, at walang ibang taong makauunawa ng mga paghayag na sinabi sa mga Judio nang tulad nila, maliban kung sila ay naturuan alinsunod sa pamamaraan ng mga bagay ng mga Judio.
Subalit masdan, ako, si Nephi, ay hindi nagturo sa aking mga anak hinggil sa mga pamamaraan ng mga Judio; subalit masdan, ako, sa aking sarili, ay nakapanirahan sa Jerusalem, dahil dito nalalaman ko ang hinggil sa mga lugar sa paligid; at nagawang banggitin ko sa aking mga anak ang hinggil sa mga kahatulan ng Diyos, na sasapit sa mga Judio, sa aking mga anak, alinsunod sa lahat ng sinabi ni Isaias, at hindi ko isinulat ang mga ito.
Subalit masdan, magpapatuloy ako sa aking sariling propesiya, alinsunod sa aking kalinawan; na kung saan ay nalalaman ko na walang sino man ang maaaring magkamali; gayon pa man, sa mga araw na matutupad ang mga propesiya ni Isaias ay malalaman ng mga tao nang may katiyakan, sa mga panahon na ang mga ito ay mangyayari.
Dahil dito, mahalaga ang mga yaon sa mga anak ng tao, at siya na nag-aakala nang taliwas dito, sa kanila na rin ako magsasalita, at iaangkop ang mga salita sa aking sariling mga tao; sapagkat nalalaman kong labis na mahalaga ang mga ito sa kanila sa mga huling araw; sapagkat sa araw na yaon ay mauunawaan nila ang mga yaon; dahil dito, para sa kanilang ikabubuti ay isinulat ko ang mga ito.