Ang Doktrina ni Cristo at Ang Patotoo ni Nephi

Ang Huling Pamamaalam ni Nephi

2 Nephi 33:10–12

Ang mga salita ni Cristo ay magtuturo sa mga tao na gumawa ng mabuti.

At ngayon, mga minamahal kong kapatid, at gayundin sa mga Judio, at lahat kayong nasa mga dulo ng mundo, makinig sa mga salitang ito at maniwala kay Cristo; at kung hindi kayo naniniwala sa mga salitang ito ay maniwala kay Cristo. At kung maniniwala kayo kay Cristo ay maniniwala kayo sa mga salitang ito, sapagkat ang mga salitang ito ay mga salita ni Cristo, at kanyang ibinigay ang mga ito sa akin; at ang mga ito ay nagtuturo sa lahat ng tao na nararapat silang gumawa ng mabuti.

At kung ang mga ito ay hindi mga salita ni Cristo, hatulan ninyo—sapagkat ipakikita ni Cristo sa inyo, sa kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian, na ang mga ito ay kanyang mga salita, sa huling araw; at kayo at ako ay harap-harapang tatayo sa harapan ng kanyang hukuman at malalaman ninyo na ako ay inutusan niyang isulat ang mga bagay na ito sa kabila ng aking kahinaan. At ako ay dumadalangin sa Ama sa pangalan ni Cristo, na ang marami sa atin, kung hindi man lahat, ay maligtas sa kanyang kaharian sa dakila at huling araw na yaon.

2 Nephi 33:13–15

Si Nephi ay nagbigay ng kanyang huling pamamaalam, binabalaan ang kanyang mga mambabasa ng mga napipintong paghuhukom.

At ngayon, mga minamahal kong kapatid, lahat kayo na nabibilang sa sambahayan ni Israel, at lahat kayo na nasa mga dulo ng mundo, nagsasalita ako sa inyo gaya ng tinig ng isang sumisigaw mula sa alabok:

Paalam hanggang sa dumating ang dakilang araw na yaon. At kayong hindi makikibahagi sa kabaitan ng Diyos, at gumagalang sa mga salita ng mga Judio, at gayundin sa aking mga salita, at sa mga salitang mamumutawi sa bibig ng Kordero ng Diyos, masdan, magpapaalam ako sa inyo ng walang hanggang pamamaalam, sapagkat ang mga salitang ito ang hahatol sa inyo sa huling araw.

Sapagkat kung ano ang aking tinatakan sa lupa, ay dadalhin laban sa inyo sa hukumang-luklukan; sapagkat gayon ang iniutos ng Panginoon sa akin, at kinakailangan kong sumunod. Amen.