At ngayon, masdan, mga minamahal kong kapatid, sa aking pakiwari ay parang inyong binubulay-bulay pa sa inyong mga puso ang hinggil sa mga yaong nararapat ninyong gawin pagkatapos na kayo ay makapasok sa daan.
Datapwat masdan, bakit ninyo binubulay-bulay ang mga bagay na ito sa inyong mga puso? Hindi ba ninyo natatandaan na sinabi ko sa inyo na makaraan ninyong matanggap ang Espiritu Santo na kayo ay makapagsasalita sa wika ng mga anghel? At ngayon, paano kayo makapagsasalita sa wika ng mga anghel maliban kung ito ay sa pamamagitan ng Espiritu Santo? Ang mga anghel ay nagsasalita sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo; anupa’t, nangungusap sila ng mga salita ni Cristo. Samakatwid, sinabi ko sa inyo, magpakabusog kayo sa mga salita ni Cristo; sapagkat masdan, ang mga salita ni Cristo ang magsasabi sa inyo ng lahat ng bagay na dapat ninyong gawin.
Samakatwid, ngayon matapos kong sabihin ang mga salitang ito, kung hindi ninyo naunawaan ang mga ito, iyan ay dahil sa hindi kayo humihingi, ni kayo ay kumakatok; kaya nga, hindi kayo nadadala sa liwanag, kundi tiyak na masasawi sa kadiliman.
Sapagkat masdan, muli kong sinasabi sa inyo na kung kayo ay papasok sa daan, at tatanggapin ang Espiritu Santo, iyon ang magbibigay-alam sa inyo ng lahat ng bagay na nararapat ninyong gawin. Masdan, ito ang doktrina ni Cristo, at wala nang doktrinang ibibigay pa hanggang sa siya ay magpakita ng kanyang sarili sa inyo sa laman. At kapag siya ay nagpakita na ng kanyang sarili sa inyo sa laman, ang mga bagay na sasabihin niya sa inyo ay inyong gawin.