Ang Mga Saserdote ni Noah

Pag-anib sa Mga Lamanita

Mosiah 23:30–31

Isang araw, ang mga sundalong Lamanita ay naglabasan—sila ay ipinadala upang hanapin ang mga tao ni Limhi, na nakatakas.

Ngayon, ang mga hukbo ng mga Lamanita, na sumunod sa mga tao ni haring Limhi, ay nangaligaw sa ilang sa loob ng maraming araw. At masdan, kanilang natagpuan yaong mga saserdote ni haring Noe, sa isang lugar na kanilang tinatawag na Amulon; at sinimulan nilang angkinin ang lupain ng Amulon at nagsimulang bungkalin ang lupa.

Mosiah 23:33–34

Ang mga saserdote ay humimok sa mga Lamanita na huwag silang lipulin.

At ito ay nangyari na, na si Amulon ay nagmakaawa sa mga Lamanita; at kanya ring pinalapit ang kanilang mga asawa, na mga anak na babae ng mga Lamanita, upang magmakaawa sa kanilang mga kapatid, na huwag nilang lipulin ang kanilang mga asawa. At ang mga Lamanita ay nahabag kay Amulon at sa kanyang mga kapatid, at hindi sila nilipol, dahil sa kanilang mga asawa.

Mosiah 23:35

Ang mga Lamanita at mga saserdote ay naging magkakampi.

At umanib si Amulon at ang kanyang mga kapatid sa mga Lamanita, ...

Mosiah 23:35

Ang mga Lamanita at ang mga saserdote ay naghandang magkakasama upang hanapin ang lupain ng Nephi, ang kanilang tahanan.

...at naglalakbay sila sa ilang sa paghahanap sa lupain ng Nephi...

Mosiah 23:35

Sa kanilang pagtatangkang mahanap ang lupain ng Nephi, sila ay napadpad sa mga tao ni Alma sa lupain ng Helam.

...nang kanilang matuklasan ang lupain ng Helam, na inangkin ni Alma at ng kanyang mga kapatid.

Mosiah 23:36

Ang mga Lamanita ay nakipagtagpo kay Alma na nakipagkasundo sa kanila: ang mga direksiyon pabalik sa lupain ng Nephi kapalit ng kanilang buhay at kalayaan.

At ito ay nangyari na, na ang mga Lamanita ay nangako kay Alma at sa kanyang mga kapatid, na kung kanilang ipakikita sa kanila ang daan patungo sa lupain ng Nephi ay ipagkakaloob nila sa kanila ang kanilang mga buhay at ang kanilang kalayaan.

Mosiah 23:29, 37

Matapos na sabihin ni Alma sa kanila kung paanon makababalik sa lupain ng Nephi, binawi ng mga Lamanita ang kanilang salita, at nagsimulang kunin ang Helam ng sapilitan.

Subalit matapos ipakita sa kanila ni Alma ang daan patungo sa lupain ng Nephi, ang mga Lamanita ay tumangging tumupad sa kanilang pangako; sa halip sila ay naglagay ng mga bantay sa palibot ng lupain ng Helam, doon kay Alma at sa kanyang mga kapatid.


... at inangkin ng mga Lamanita ang lupain ng Helam.

Mosiah 23:38

Ang mga Lamanita na hindi nakatalagang magbantay sa Helam ay bumalik sa lupain ng Nephi, sinusundan ang direksiyong binigay ni Alma.

At ang natira sa kanila ay nagtungo sa lupain ng Nephi; at bumalik ang isang bahagi nila sa lupain ng Helam, at ipinagsama rin nila ang mga asawa at anak ng mga bantay na naiwanan sa lupain.

Mosiah 23:39

Ang hari ng mga Lamanita ay nagkaloob kay Amulon, ang saserdote, na maging hari ng Helam.

At ang hari ng mga Lamanita ay nagpahintulot kay Amulon na siya ang maging hari at tagapamahala ng kanyang mga tao, na nasa lupain ng Helam; gayon pa man wala siyang kapangyarihang gawin ang anumang bagay na sumasalungat sa kagustuhan ng hari ng mga Lamanita.

Mosiah 24:1–4

Si Amulon at mga saserdote ay ginawang mga guro sa mga taong Lamanita, at itinalaga sa bawat lunsod ng mga Lamanita upang turuan sila ng wikang Nephita.

At ito ay nangyari na, na natamo ni Amulon ang pagsang-ayon sa paningin ng hari ng mga Lamanita; kaya nga, ang hari ng mga Lamanita ay nagpahintulot sa kanya at sa kanyang mga kapatid na sila ang hiranging mga guro roon sa kanyang mga tao, oo, maging sa mga tao na nasa lupain ng Semlon, at sa lupain ng Silom, at sa lupain ng Amulon.

Sapagkat inangkin ng mga Lamanita ang lahat ng lupaing ito; anupa’t ang hari ng mga Lamanita ay naghirang ng mga hari sa lahat ng lupaing ito. At ngayon, ang pangalan ng hari ng mga Lamanita ay Laman, na tinawag alinsunod sa pangalan ng kanyang ama; at samakatwid, siya ay tinawag na haring Laman. At siya ay hari ng napakaraming tao.

At siya ay naghirang ng mga guro sa mga kapatid ni Amulon sa bawat lupaing pag-aari ng kanyang mga tao; at sa gayon ang wika ni Nephi ay nagsimulang ituro sa lahat ng tao ng mga Lamanita.

Mosiah 24:5–7

Ang pamayanan ng Lamanita ay namuhay ng marahas at di-makadiyos na pamamaraan.

At sila ay mga taong may magandang loob sa isa’t isa; gayon pa man hindi nila nakikilala ang Diyos; ni ang mga kapatid ni Amulon ay hindi itinuro sa kanila ang alinmang bagay na nauukol sa Panginoon nilang Diyos, ni ang mga batas ni Moises; ni hindi nila itinuro sa kanila ang mga salita ni Abinadi; Datapwat kanilang tinuruan sila na nararapat silang mag-ingat ng kanilang talaan, at upang makasulat sila sa isa’t isa.

At sa gayon ang mga Lamanita ay nagsimulang maragdagan sa kayamanan, at nagsimulang makipagkalakalan sa isa’t isa at naging maunlad, at nagsimulang maging tuso at matatalinong tao, sa karunungan ng sanlibutan, oo, isang napakatusong tao, nagagalak sa lahat ng uri ng kasamaan at pandarambong, maliban sa kanilang sariling mga kapatid.

Mosiah 24:8

Inalipin ni Amulon si Alma at lahat ng mga naninirahan sa Helam.

At ngayon ito ay nangyari na, na si Amulon ay nagsimulang gumamit ng kapangyarihan kay Alma at sa kanyang mga kapatid, at nagsimulang usigin siya, at pinapangyaring usigin ng kanyang mga anak ang kanilang mga anak.