At darakpin na rin sana nila ang mga saserdote at sila ay papatayin, at sila ay nagsitakas mula sa harapan nila. Ngayon, ang pangalan ng pinuno ng yaong mga saserdote ay Amulon.
At ngayon, ang mga saserdote ni haring Noe, na nangahihiya nang bumalik sa lunsod ng Nephi, oo, at natatakot din na baka sila patayin ng mga tao, samakatwid, sila ay hindi nangahas bumalik sa kanilang mga asawa at kanilang mga anak.
Ngayon may isang lugar sa Semlon kung saan ang mga anak na babae ng mga Lamanita ay tinitipon ang kanilang sarili na magkakasama upang umawit, at upang sumayaw, at upang pasayahin ang kanilang sarili. At ito ay nangyari na, na isang araw ay may maliit na bilang nila ang nagtipong magkakasama upang umawit at sumayaw. At sa pamamalagi sa ilang, at sa pagkakatuklas sa mga anak ng mga Lamanita, sila ay nagsidapa at pinagmasdan sila.
At nang kakaunti lamang sila na sama-samang nagtipon upang magsayawan, sila ay lumabas mula sa kanilang mga lihim na taguan at dinukot sila at dinala sila patungo sa ilang; oo, dalawampu at apat sa mga anak ng mga Lamanita ang kanilang dinala sa ilang.
At ito ay nangyari na, nang matuklasan ng mga Lamanita na ang kanilang mga anak ay nawawala, nagalit sila sa mga tao ni Limhi, sapagkat inakala nilang kagagawan ito ng mga tao ni Limhi.
At masdan, kanilang natagpuan yaong mga saserdote ni haring Noe, sa isang lugar na kanilang tinatawag na Amulon; at sinimulan nilang angkinin ang lupain ng Amulon at nagsimulang bungkalin ang lupa. At ito ay nangyari na, na si Amulon ay nagmakaawa sa mga Lamanita; at kanya ring pinalapit ang kanilang mga asawa, na mga anak na babae ng mga Lamanita, upang magmakaawa sa kanilang mga kapatid, na huwag nilang lipulin ang kanilang mga asawa.