At ito ay nangyari na, na isinugo ng Panginoon ng olibohan ang kanyang tagapagsilbi; at humayo ang tagapagsilbi at ginawa ang iniutos sa kanya ng Panginoon, at nagdala ng iba pang mga tagapagsilbi, at kakaunti sila. At sinabi ng Panginoon ng olibohan sa kanila:
Humayo, at gumawa sa olibohan, nang buong lakas ninyo. Sapagkat masdan, ito ang huling pagkakataong aalagaan ko ang aking olibohan; sapagkat ang katapusan ay nalalapit na, at dagliang darating ang panahon; at kung gagawa kayo nang buong lakas na kasama ko, magkakaroon kayo ng kagalakan sa bunga na iimbakin ko para sa aking sarili para sa panahong malapit nang dumating.
At ito ay nangyari na, na humayo ang mga tagapagsilbi at gumawa nang buong lakas nila; at gumawa rin ang Panginoon ng olibohan na kasama nila; at sinunod nila ang mga kautusan ng Panginoon ng olibohan sa lahat ng bagay. At nagsimulang muling magkaroon ng likas na bunga sa olibohan; at ang mga likas na sanga ay nagsimulang tumubo at umusbong nang mayabong; at ang mga ligaw na sanga ay nagsimulang putulin at itapon; at pinanatili nilang pantay ang ugat at ang talbos niyon, alinsunod sa lakas niyon.
At sa gayon sila gumawa, nang buong pagsusumigasig, alinsunod sa mga kautusan ng Panginoon ng olibohan, maging hanggang sa maitapon ang masama sa labas ng olibohan, at pinangalagaan ng Panginoon sa kanyang sarili upang muling maging likas na bunga ang mga punungkahoy; at naging tulad ang mga ito sa isang kumpol; at pantay ang mga bunga; at iniimbak ng Panginoon ng olibohan ang likas na bunga para sa kanyang sarili, na pinakamahalaga sa kanya mula pa sa simula.