Ang Mga Propesiya at Payo ni Lehi sa Kanyang Pamilya

Pagbabasbas kay Jakob

2 Nephi 2:1–2

Nangusap si Lehi kay Jacob, na isinilang sa ilang, at lubos na nagdanas ng hirap, ngunit pinagpala.

At ngayon, Jacob, nangungusap ako sa iyo: Ikaw ang aking panganay sa mga araw ng aking paghihirap sa ilang. At masdan, sa iyong kamusmusan ikaw ay nagdanas ng mga kahirapan at maraming kalungkutan, dahil sa kalupitan ng iyong mga kapatid. Gayunman, Jacob, aking panganay sa ilang, nalalaman mo ang kadakilaan ng Diyos; at kanyang ilalaan ang iyong mga paghihirap para sa iyong kapakinabangan.

2 Nephi 2:3–4

Ang kaluluwa ni Jacob ay pagpapalain, ang kanyang buhay ay gugugulin sa paglilingkod sa Diyos, at tutubusin ng Diyos.

Anupa’t ang iyong kaluluwa ay pagpapalain, at ikaw ay maninirahang ligtas kasama ng iyong kapatid na si Nephi; at ang iyong mga araw ay iuukol sa paglilingkod sa iyong Diyos. Kaya nga, alam ko na ikaw ay tinubos, dahil sa kabutihan ng iyong Manunubos; sapagkat namamasdan mo na sa kaganapan ng panahon siya ay paparito upang magdala ng kaligtasan sa tao. At namasdan mo sa iyong kabataan ang kanyang kaluwalhatian; kaya nga, ikaw ay pinagpalang katulad nila na kanyang paglilingkuran sa laman;

2 Nephi 2:4–5

Ang kaligtasan ay hindi binabayaran, at walang makapagmamatuwid sa pamamagitan ng anumang batas.

Sapagkat ang Espiritu ay siya ring kahapon, ngayon, at magpakailanman. At ang daan ay inihanda mula pa nang mahulog ang tao, at ang kaligtasan ay hindi binabayaran. At ang tao ay tinuruan nang sapat upang kanilang makilala ang mabuti sa masama. At ang batas ay ipinagkaloob sa mga tao. At sa pamamagitan ng batas walang laman ang makapagmamatwid; o, sa pamamagitan ng batas ang tao ay maihihiwalay. Oo, sa panlupang batas sila ay naihihiwalay; at gayon din, sa pamamagitan ng batas na espirituwal sila ay nalayo mula roon sa mabuti, at magiging kaaba-aba magpakailanman.

2 Nephi 2:6–7

Ang pagtubos ay dumarating sa pamamagitan ng Banal na Mesias, na siyang tumugon sa mga layunin ng batas sa pamamagitan ng pagaalay ng kanyang sarili bilang isang hain sa kasalanan, upang ang mga yaong magkakaroon ng bagbag na puso at nagsisising espiritu ay maaaring matubos.

Anupa’t, ang pagtubos ay darating sa at sa pamamagitan ng Banal na Mesiyas; sapagkat siya ay puspos ng biyaya at katotohanan. Masdan, inihandog niya ang kanyang sarili na isang hain para sa kasalanan, upang tugunin ang layunin ng batas para sa lahat ng yaong may bagbag na puso at nagsisising espiritu; at walang sinumang maaaring makatugon sa mga layunin ng batas.

2 Nephi 2:8

Ito ay lubos na mahalaga na maihayag na walang sinuman ang makapananahan sa harapan ng Diyos maliban sa pamamagitan ng awa at biyaya ng nabuhay na mag-uling Mesiyas.

Kaya nga, anong laking kahalagahan na ang mga bagay na ito ay ipaalam sa mga naninirahan sa mundo, upang kanilang malaman na walang laman ang makapananahanan sa kinaroroonan ng Diyos, maliban sa pamamagitan ng kabutihan, at awa, at biyaya ng Banal na Mesiyas, na nag-alay ng kanyang buhay ayon sa laman, at binawi itong muli sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu, upang kanyang mapapangyari ang pagkabuhay na mag-uli ng mga patay, siya bilang unang magbabangon.

2 Nephi 2:9

Ang Mesiyas ay namamagitan sa sangkatauhan, at ang mga yaong naniniwala sa kanya ay maliligtas.

Anupa’t, siya ang unang bunga ng Diyos, yayamang siya ang mamamagitan para sa lahat ng anak ng tao; at sila na maniniwala sa kanya ay maliligtas.

2 Nephi 2:10

Dahil sa pamamagitang ito, ang buong sangkatauhan ay hahatulan ayon sa katotohanan at kabanalan.

At dahil sa namagitan para sa lahat, lahat ng tao ay lalapit sa Diyos; kaya nga, sila ay tatayo sa harapan niya, upang hatulan niya alinsunod sa katotohanan at kabanalan na nasa kanya.

2 Nephi 2:10

Ang batas ang nagdadala ng kaparusahan sa masasama, bilang kasalungat ng pagbabayad-sala, na nagdadala ng kaligayahan.

Samakatwid, ang layunin ng batas na ipinagkaloob ng Banal, sa pagpapataw ng kaparusahan na nakaakibat, kung aling kaparusahan na nakaakibat ay taliwas doon sa kaligayahang nakaakibat, upang tugunin ang layunin ng pagbabayad-sala—

2 Nephi 2:11

Ang kasalungat sa lahat ng bagay ay kinakailangan upang maisakatuparan ang katuwiran, kabanalan, at kabutihan, gayundin ang mga kabaligtaran.

Sapagkat talagang kinakailangan, na may pagsalungat sa lahat ng bagay. Kung hindi, panganay ko sa ilang, ang kabutihan ay hindi mangyayari, ni ang kasamaan, ni ang kabanalan o kalungkutan, ni mabuti o masama.

2 Nephi 2:11

Ang mga kasalungat ay kinakailangan upang magkaroon ng buhay, kahulugan, at kawalang-kabulukan.

Anupa’t, ang lahat ng bagay ay talagang kailangang magkasama sa isa; kaya nga, kung ito ay nararapat na maging isang katawan ito ay kailangang manatiling tulad ng isang patay, walang buhay ni kamatayan, ni kabulukan o walang kabulukan, kaligayahan ni kalungkutan, ni pakiramdam o kawalan ng pakiramdam.

2 Nephi 2:12

Kung hindi dahil sa mga kasalungat na ito, walang magkakaroon ng kahulugan o dahilan para mabuhay, at ang karunungan ng Diyos, layunin, kapangyarihan, awa at katarungan ay lahat mawawasak.

Kaya nga, iyon ay talagang kinakailangang malikha para sa isang bagay na walang kabuluhan; anupa’t wala sanang magiging layunin ang dahilan sa pagkakalikha nito. Kung gayon, ang bagay na ito ang tiyak na sisira sa karunungan ng Diyos at sa kanyang mga walang hanggang layunin, at gayundin sa kapangyarihan, at sa awa, at sa katarungan ng Diyos.

2 Nephi 2:13

Kung walang batas, walang kasalanan, kung walang kasalanan, walang katuwiran o kaparusahan, at kung walang katuwiran ay walang kaligayahan o kalungkutan.

At kung sasabihin ninyong walang batas, sasabihin din ninyong walang kasalanan. Kung sasabihin ninyong walang kasalanan, sasabihin din ninyong walang katwiran. At kung walang katwiran ay walang kaligayahan. At kung walang kabutihan ni kaligayahan ay walang kaparusahan ni kalungkutan.

2 Nephi 2:13

Kung ang mga bagay na ito ay hindi umiiral, kung gayon ay walang Diyos, walang paglikha, at walang mga tao.

At kung wala ang mga bagay na ito ay walang Diyos. At kung walang Diyos ay wala tayo, ni ang mundo; sapagkat hindi sana magkakaroon ng paglikha sa mga bagay, ni kumikilos o pinakikilos, anupa’t, lahat ng bagay ay tiyak na maglalaho.