Ang Mensahe ni Abinadi kay Noah at sa kanyang mga Saserdote

Pagkalag sa mga Gapos ng Kamatayan

Mosiah 15:19

Kung hindi dahil sana sa Kanyang pagtubos, ang sangkatauhan ay nangaligawa na sana; subalit ang mga patay ay tunay na mabubuhay na mag-uli dahil ang Anak ay naghahari.

Sapagkat kung hindi dahil sa pagtubos na ginawa niya para sa kanyang mga tao, na inihanda mula pa sa pagkakatatag ng daigdig, sinasabi ko sa inyo, kung hindi dahil dito, ang buong sangkatauhan ay nangasawi na sana. Subalit masdan, ang mga gapos ng kamatayan ay makakalag, at ang Anak ay maghahari, at magkakaroon ng kapangyarihan sa kamatayan; anupa’t kanyang papapangyarihin ang pagkabuhay na mag-uli ng mga patay.

Mosiah 15:21–23

Ang unang pagkabuhay na mag-uli ay ang pagkabuhay na mag-uli ni Cristo, kung kailan ang lahat ng mabubuti na mananahan kasama ng Diyos ay mabubuhay na mag-uli.

At magkakaroon ng pagkabuhay na mag-uli, maging ng unang pagkabuhay na mag-uli; oo, maging ng pagkabuhay na mag-uli nila noon, at nila ngayon, at nila na darating, maging hanggang sa pagkabuhay na mag-uli ni Cristo—sapagkat gayon siya tatawagin. At ngayon, ang pagkabuhay na mag-uli ng lahat ng propeta, at lahat ng yaong naniwala sa kanilang mga salita, o lahat ng yaong sumunod sa mga kautusan ng Diyos, ay magbabangon sa unang pagkabuhay na mag-uli; anupa’t sila ang unang mangabubuhay na mag-uli. Sila ay ibabangon upang manahanang kasama ng Diyos na siyang tumubos sa kanila; sa gayon sila ay may buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Cristo, na siyang kumalag sa mga gapos ng kamatayan.

Mosiah 15:24–25

Ang malilit na mga bata at sila na nangamatay sa kawalang-malay bago sa pagparito ni Cristo.

At sila ang mga yaong may bahagi sa unang pagkabuhay na mag-uli; at sila ang mga yaong namatay bago pumarito si Cristo, sa kanilang kawalang-malay, hindi naipahayag ang kaligtasan sa kanila. At sa ganito papapangyarihin ng Panginoon ang pagpapanumbalik nila; at may bahagi sila sa unang pagkabuhay na mag-uli, o may buhay na walang hanggan, matapos tubusin ng Panginoon. At ang maliliit na bata ay may buhay na walang hanggan din.

Mosiah 15:26–27

Ang makasalanan na namatay sa kanilang mga kasalanan na sadyang naghimagsik laban sa Diyos ay hindi matutubos.

Subalit masdan, at matakot, at manginig sa harapan ng Diyos, sapagkat dapat kayong manginig; sapagkat walang tinubos ang Panginoon na naghihimagsik laban sa kanya at namatay sa kanilang mga kasalanan; oo, maging lahat ng yaong nangamatay sa kanilang mga kasalanan mula pa sa simula ng mundo, na sadyang naghimagsik laban sa Diyos, na nakaaalam sa mga kautusan ng Diyos at ayaw sundin ang mga ito; sila ang mga yaong walang bahagi sa unang pagkabuhay na mag-uli. Kaya nga, hindi ba’t kayo ay dapat na manginig? Sapagkat hindi mapapasa mga gayon ang kaligtasan; sapagkat walang gayong tutubusin ang Panginoon; oo, ni hindi kayang tubusin ng Panginoon ang gayon; sapagkat hindi niya pasisinungalingan ang kanyang sarili; sapagkat hindi niya matatanggihan ang katarungan kapag mayroon itong karapatan.