At ngayon sinasabi ko sa inyo, sino ang magpapahayag ng kanyang salinlahi? Masdan, sinasabi ko sa inyo, na matapos magawang pinakahandog ang kanyang kaluluwa para sa kasalanan ay makikita niya ang kanyang binhi. At ngayon, ano ang masasabi ninyo? At sino ang kanyang magiging binhi?
Masdan, sinasabi ko sa inyo, na kung sino man ang makikinig ng mga salita ng mga propeta, oo, lahat ng banal na propeta na nagpropesiya hinggil sa pagparito ng Panginoon—sinasabi ko sa inyo, na lahat ng yaong makikinig sa kanilang mga salita, at maniniwalang tutubusin ng Panginoon ang kanyang mga tao, at umaasa sa araw na yaon para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan, sinasabi ko sa inyo, na sila ang kanyang binhi, o sila ang mga tagapagmana ng kaharian ng Diyos.
Sapagkat sila yaong ang mga kasalanan ay kanyang pinasan; sa kanila niya inialay ang kanyang buhay upang matubos sila mula sa kanilang mga kasalanan. At ngayon, hindi ba’t sila ang kanyang binhi? Oo, at hindi ba’t ang mga propeta, bawat isa na nagbuka ng kanyang bibig upang magpropesiya, na hindi nangahulog sa paglabag, ang ibig kong sabihin ay lahat ng banal na propeta magmula sa simula ng daigdig? Sinasabi ko sa inyo na sila ay kanyang binhi.
At sila ang mga yaong nagpahayag ng kapayapaan, na nagdala ng mabuting balita ng kabutihan, na nagpahayag ng kaligtasan; at nagsabi sa Sion:
‘Ang inyong Diyos ay naghahari!’
At muli, kayganda sa mga bundok ang mga paa nila na mga naghahayag pa rin ng kapayapaan!
At muli, kayganda sa mga bundok ang mga paa nila na mga maghahayag mula ngayon ng kapayapaan, oo, magmula sa panahong ito at magpakailanman!
At masdan, sinasabi ko sa inyo, hindi lamang ito. Sapagkat O kayganda sa mga bundok ang mga paa niya na nagdadala ng mabuting balita, na tagapagtatag ng kapayapaan, oo, maging ang Panginoon, na tumubos sa kanyang mga tao; oo, siya na nagkaloob ng kaligtasan sa kanyang mga tao;